BRITON ARESTADO SA 15 KG NG MARIJUANA KUSH

ISANG British national ang inaresto sa isinagawang joint interdiction operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Customs International Arrival Area, sa NAIA Terminal 3, matapos na mahulihan ng mahigit 15 kilo ng hinihinalang high grade marijuana kush.

Ayon kay PDEA Director General, USEC Isagani Nerez, isinagawa ang interdiction operation bandang alas-8:40 noong Huwebes ng gabi, katuwang ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na binubuo ng mga operatiba ng PDEA – Regional Office NCR, Bureau of Customs – CAIDTF, PNP Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.

Kinilala ang banyaga na nagtangkang magpuslit ng high grade marijuana papasok ng Pilipinas, na si alias “Patrick”, dumating sa bansa mula Bangkok, Thailand.

Sa isinagawang routine inspection sa kulay berdeng maleta, nadiskubre ang 35 transparent plastic pouches na ibinalot ng packaging tape, na naglalamang ng dried leaves na pinaniniwalaang marijuana kush na may timbang na 15,078 grams.

Sinamsam din ang non-drug items sa nasabing pasahero kabilang ang identification documents, boarding pass, at cellular phone.

Nahaharap si Patrick sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165, otherwise known as the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na nagbabawal sa pag-angkat ng dangerous drugs na may kaparusahang pagkakakulong ng habang buhay at multang P10 milyon depende sa dami at uri ng ipinuslit na droga.

Hawak na ngayon ng PDEA ang nakumpiskang kush para sa pinal na pag-aanalisa ng PDEA Laboratory Service habang inihahanda ang mga dokumento para sa inquest proceedings.

(JESSE KABEL RUIZ)

54

Related posts

Leave a Comment