BUCKS IBINAON NG WIZARDS

BALITANG NBA Ni VT ROMANO

MALAMIG ang naging pagtanggap ng Wizards sa defending champion Milwaukee Bucks nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Washington.

Kinaldag ng Wizards sa pangunguna ng 30 points ni Bradley Beal ang Giannis Antetokoun­mpo-lead Bucks, 101-94.

Nagtala si Beal ng 14 of 22 shots, nagdag­dag ng eight assists para sa ikalawang sunod na panalo ng Washington. Si Kyle Kuzma ay nag-ambag ng 15 points at 10 rebounds habang may 15 points din si Montrezl Harrell para sa Wizards, na gumuhit din ng 50.6% sa field, kasama ang 11 of 27 (40.7%) sa 3-point range.

May 29 points at 18 rebounds si Antetokounmpo, habang si Grayson Allen ay nag-ambag ng 19 points sa panig ng Bucks, sinimulan ang five-game road trip at ikalimang talo rin sa anim na laro.

Nagdagdag si Bobby Portis ng 13 points at 13 rebounds.

Nagtala ang Bucks ng 39.4% (field) at 10 of 36 (27.8%) naman sa 3-point range.

Nagwagi ang Washington kahit na-outrebound, 49-42 at nagkomit pa ng 19 turnovers kumpara sa 13 ng Bucks.

Ang driving layups ni Beal, ika-29 at 30th points niya sa laro, ay nagdala sa Wizards sa eight-point lead, 96-88, 3:57 sa fourth quarter.

Nagmintis si Allen, pero nabawi nina Beal at Harrell at gawing 10 ang abante.

Sumagot naman si Antetokounmpo ng dunk at nagdagdag pa ng dalawang free throws at idinikit ang iskor, 98-92 count, 2:26 sa laro.

Nawala kay Beal ang bola at ang basket ni Jrue Holiday ay tinawag na goaltending para gawing 98-94 ang iskor, ngunit matapos rebyuhin, binawi ito ng reperi.

Sa sumunod na play, ginawang 98-94 ni Antetokounmpo ang iskor mula sa kanyang dunk. Nagpalitan ng sablay ang magkabilang koponan,hanggang mag-3 points si Spencer Dinwiddie mula sa pasa ni Beal sa huling 20.3 seconds, para selyuhan ang panalo.

KNICKS KINUYOG NG CAVS

IPINAMALAS ni Ricky Rubio ang maituturing na ‘most prolific game’ ng kanyang 11-year career, nang magtala ang Cleveland Cavaliers guard ng walong 3-pointers at tumapos na may 37 points at 10 assists, tungo sa 126-109 win kontra New York Knicks.

Wagi na ng apat na sunod na ang Cavaliers at umangat ng tatlong laro sa .500 (7-4) sa ikalawang pagkakataon sapol nang iwan ni LeBron James ang team at lumipat sa Los Angeles Lakers kasunod ng 2017-18 season. Ang Knicks (6-4) ay lumasap naman ng ikatlong panalo sa apat na laro.

Ang 3-pointers at points ni Rubio ay sumira sa kanyang dating career highs. Mayroon siyang anim na 3-pointers para sa Minnesota Timberwolves noong Enero 30, 2017 at tumapos na may 34 points para sa Utah Jazz noon namang Pebrero 3, 2018.

Si Rubio ay 2-for-2 sa 3-point line sa first half, bago tuluyang nag-init sa third period, nang pumasok lahat ng kanyang four attempts sa kahabaan ng 3:14 na nagpaningas sa atake ng Cavs at ma-outscore ang Knicks, 33-18 sa nasabing period at kunin ang 89-75 lead.

Ang kanyang unang 3-pointer ang nagbigay sa Cleveland ng kalamangan, 62-59 at buhat doon hindi na nilingon pa ang kalaban.

Pagsapit ng fourth quarter, pasok ang dalawa sa tatlong 3-point attempts ni Rubio, ang huli ang nagpasimula ng 9-0 run tungo sa 112-97 lead ng Cavaliers at bumigo sa tangkang pag-rally ng Knicks.

Mintis ang huling 3-pointer ni Rubio sa huling 1:21, na dapat sana’y tsansa niyang maging unang NBA player na may 8-for-8 o higit pa sapol nang makagawa si Ben Gordon ng 9-for-9 sa Detroit Pistons noong Marso 21, 2012.

Ang ginawa ni Rubio ay ‘most efficient’ mula nang maitala ni Anthony Edwards ang 8-for-9 3-pointers sa Minnesota Timberwolves noong Mayo 5, 2021.

May double-double naman si Jarrett Allen sa ­panig pa rin ng Cavs, 18 points at 17 rebounds, habang si Evan Mobley ay nagtala ng 26 points at nine rebounds. Nagdagdag din si Darius Garland ng 16 points.

Namuno naman para sa Knicks si Julius Randle, 19 points at sina Derrick Rose at Evam Fournier may tig-17 at 15 points. Umiskor din ang mga reserve na sina Immanuel Quickley (12 points), Obi Toppin (11 points at Alec Burks (10 points).

JAZZ PINATAHIMIK NG MAGIC

NAGPOSTE si Cole Anthony ng career-best 33 points, 10 rito sa fourth quarter at iginiya sa 24-11 run ang Orlando Magic para talunin ang Utah Jazz, 107-100.

Mula sa 13 points ­deficit sa third quarter at 89-81 sa huling walong minuto, pangunahan ni ­Anthony ang rally ng Magic sa tulong nina R.J Hampton a Wendell Carter Jr. at wakasan ang two-game losing skid ng ­Orlando. Tinapos din ng Magic ang kanilang five-game losing streak laban sa Jazz na nagsimula noon sa ­nakaraang tatlong season.

Si Carter, may season-best 22 points at 15 rebounds. Iniskor naman ni Hampton lahat ng kanyang walong punto sa fourth quarter. Ang kanyang 3-pointer sa huling 21 ­seconds tuluyang sumelyo sa panalo ng Orlando.

Nagtala naman si Donovan Mitchell ng 21 points, nagdagdag si Rudy Gobert ng 21 points at 15 rebounds at nag-ambag si Royce O’Neale ng 14 points at seven rebounds.

Buhat sa 28-15 deficit matapos ang isang quarter at 15 points sa second, umabante pa sa halftime, 52-50 at tila kontrolado na ng Utah ang laro.

Ngunit nagbago ang ihip ng hangin.

Si Anthony ay may 13 of 20 shots at five of 10 3-pointers sa Magic, unang beses nanalo (sa home) sa limang laro ngayong season.

Lumaro ang Utah halos wala pang 24 oras kasunod ng 115-118 loss sa Miami, kung saan kinailangan nilang ubusin ang lakas sa nasabing laro, nang maghabol mula sa 19-point deficit sa ­huling limang minuto at natalo lang nang magmintis si Mitchell sa panabla sanang 3-pointer.

Makakaharap ng Jazz sa Martes ang Atlanta, habang Magic kontra Brooklyn naman sa Miyerkoles.

396

Related posts

Leave a Comment