Ni VT ROMANO
PINUTOL ng Atlanta Hawks, kahit wala si Trae Young, ang season-opening, nine-game winning streak ng Milwaukee Bucks, 117-98, Lunes ng gabi (Martes, Manila time) sa Atlanta.
Kumamada si Dejounter Murray ng 25 points, off the bench umiskor si rookie A.J. Griffin ng career-high 24.
Nagbalik si Giannis Antetokounmpo makaraan ang one-game absence sanhi ng sore left knee at nagtala ng 25 points para sa Bucks, nagtatangka sanang maging unang koponang magtatala ng 10-0 start, sapul nang magawa ng Golden State Warriors ang 24-0 noong 2014-15 season.
Si Young, Atlanta’s leader sa points at assists, ay hindi nakalaro sanhi ng right shin soreness. Si Griffin ang humalili sa kanya at nagsumite ng 10-of-15 sa field sa 31 minutong pagsalang.
Naglista rin ang Milwaukee ng season-high 19 turnovers, nagbigay ng 22 puntos sa Atlanta.
Ang winning streak ng Milwaukee ay table sa second-longest sa ilalim ni fifth-year Coach Mike Budenholzer at longest din mula nang maitala ang 18 sunod na W noong 2019-20.
Kinuha ng Atlanta ang unang kalamangang 9:20 sa third quarter, nang humirit si Murray ng 17-footer tungo sa 62-60 count. Dalawang beses umabante ang Hawks ng siyam, ang ikalawa’y nang isa pang 17-footer ni Murray ang nagdala sa iskor na 89-80 bago matapos ang third.
Na-outscore ng Hawks ang Milwaukee, 37-22 sa third.
Hinabol ng Atlanta ang 14-point deficit sa first half via 21-9 run at nagawang two-point ballgame na lang mula sa baseline jumper ni Onyeka Okongwu sa second quarter.
Isinara ng Bucks ang halftime, tangan ang six-point lead, 58-52.
Hawak ng Hawks ngayon ang 7-3 baraha, best start sa season sa kanilang unang 10 games mula noong 2016-17 kung saan nagtala ng 8-2 start.
MAVS NAKATAKAS
SA NETS
NAG-INBOUND ang Brooklyn Nets, 6.7 seconds na lang, 96-93 ang iskor, na-foul si Kevin Durant ni Reggie Bullock mula sa 3-point lane.
Tatlong free throw ang nakalaan kay Durant at pagkakataong maipanalo ang laro. Pumasok ang first shot, pero mintis sa ikalawa at sinadyang huwag maipasok ang ikatlo, ngunit nakuha ng Dallas Mavericks ang rebound at itinakbo ang 96-94 win sa Dallas, Texas.
Umiskor si Luka Doncic ng 36 points, naging ikalawang NBA player na nine consecutive games na may at least 30 puntos sa panimula ng season.
Nag-ambag si Dorian Finney-Smith ng 18 points at si Josh Green 16 markers para sa Mavericks, nakakaapat sunod nang panalo.
Nagtapos namang may 26 puntos si Durant para sa Nets, kasunod si Cam Thomas (19 points), habang sina Royce O’Neale at Joe Harris tig-15 at 14, ayon sa pagkakasunod.
Naihilera na si Doncic kay Wilt Chamberlain bilang tanging players na umiskor ng 30 or higit pa sa unang nine games sa season. Ginawa ito ni Chamberlain sa unang 23 games noong 1962-63 season.
Lumaro si Doncic ng 38 minuto at nilampasan ang 30-point mark mula sa step-back 3-pointer sa huling tatlong segundo ng shot clock, 7:54 pa sa fourth period para sa 78-77 Dallas lead.
Doon nagsimula ang 14-0 run ng Mavericks, kasama ang technical foul kay Durant.
Laglag ang Brooklyn sa 2-2 sa ilalim ni acting coach Jacque Vaughn, matapos sipain si Steve Nash noong Martes at 2-1 kasunod ng suspension ni Kyrie Irving noong Huwebes.
BULLS BUMAWI
SA RAPTORS
NAGTALA si Zach LaVine ng season-high 30 points at binawian ng Chicago Bulls ang Toronto Raptors, 111-97.
Si LaVine, hindi nakalaro sa nine-point loss ng Bulls sa Raptors noong Linggo sanhi ng injury management sa tuhod, ay iniskor ang unang nine points sa fourth quarter, bago natawagan ng ikalimang foul, 7:26 pa.
Pero, angat ang Bulls ng 15 points at nagawang maideretso ito hanggang dulo. Umangat ang Chicago sa 2-2 sa four series ng back-to-back games.
Naitala rin ni Bulls center Nikola Vucevic ang kanyang ikaapat sunod na double-double (15 points at 13 rebounds).
Nanguna sa Raptors si Fred VanVleet, 27 points.
Sa ikalawang pagkakataon, binakuran ng Raptors si Bulls’ leading scorer DeMar DeRozan, na may three shots lang sa first half at naiskor ang unang puntos mula sa three-point play, 2:43 sa second quarter. Tumapos siyang may nine points.
BLAZERS GUMANTI
SA HEAT
NOONG Linggo, tinira ni Jerami Grant ang game-winner laban sa Suns.
Nitong Lunes ng gabi naman, isang buzzer beater ang ambag ni Josh Hart na tumalo sa Heat.
Bumato si Miami’s Max Strus ng 3-pointer sa huling 6.2 seconds para itabla ang iskor. Hindi tumawag ng timeout si Chauncey Billups, tiwala siya kay Damian Lillar na magdidisenyo ng right play at ang play na iyon, nakitang open mula sa korner si Hart para malayang maihagis ang bola.
Laglag ang Heat sa 4-7.
Nagawang umabante ng Miami hanggang 15 sa second half, bago rumesbak ang Blazers at nakipagpalitan sa final minutes.
Nagsumite si Anfernee Simons ng 25 markers para sa Trail Blazers, may 23 si Grant at si Lillar, nagbalik mula sa calf strain, at umiskor ng 19.
Sa iba pang resulta: Utah Jazz 139, Los Angeles Lakers 116; Los Angeles Clippers 119, Cleveland Cavaliers 117; Washington 108, Charlotte 100; Houston 134, Orlando 127; Golden State 116,
Sacramento 113; Denver 115, San Antonio 109; Boston 109, Memphis 106; Philadelphia 100, Phoenix 88; Indiana 129, New Orleans 122; Detroit 112, Oklahoma City 103.
