Ni VT ROMANO
GAYA nang inaasahan ng Milwaukee, kinuyog ng Phoenix si Giannis Antetokounmpo sa Game 4 ng kanilang best-of-seven finals series Huwebes (Manila time).
Ngunit nabigo ang Suns na pigilan ang no. 22 man ng Bucks na si Khris Middleton, na kumamada ng 40 puntos tungo sa 103-109 win na nagpatabla sa serye sa 2-2.
Bumawi si Suns guard Devin Booker sa nakadidismayang laro na naging dahilan ng pagbangko sa kanya ni coach Monty Williams sa 4th quarter ng Game 3, nang magpasabog ng 42 points, 38 dito ay sa loob lamang ng tatlong quarters.
Pero nang matawagan ng fifth foul si Booker higit isang minuto lang sa final period, napilitan si Williams na ilabas muna ito habang angat ang Suns, 85-76.
Bumalik si Booker 5:55 minuto pa sa laro. Pumasok ang layup ni Middleton at naibaba sa tatlo ang lamang ng Suns, 93-90. Sinundan pa ito ng put-back ni Antetokounmpo para ibaba sa isang puntos.
Tuluyang nakuha ng Bucks ang abante sa 3-pointer ni Pat Connaughton, 97-95. Hindi pa rin sumuko sina Booker at Jae Crowder at ibinalik ang bentahe sa Suns, ngunit sumagot ng back-to-back jumpers si Middleton para sa 101-99 score.
Gayunpaman, pinaka-nagmarka sa game ang pag-block ni Antetokounmpo sa alley-hoop attempt ni Deandre Ayton mula sa pasa ni Booker, para mapreserba ang Bucks lead, 1:14 na lang sa laro.
Tumapos ang ‘Greek freak’ na may all-around game 26 points, 14 rebounds at eight assists.
Hindi naman nakatulong para sa Suns si Chris Paul na may 5 of 13 field goals lang para sa kabuuang 10 puntos, at limang turnovers.
Inaasahang reresbak si Paul pagbalik sa Phoenix para sa Game 5 sa Sabado (Linggo, Manila time).
161 