DALAWA lang ang pwedeng pagpilian ng gobyerno para sa kanilang desisyon na pagbabalik ng Metro Manila at katabing mga lalawigan sa general community quarantine (GCQ).
Agosto 19, 2020 nagsimula ang GCQ hanggang Agosto 31, 2020 at maaari pa itong magbago depende sa lagay ng COVID-19 sa katapusan ng nasabing buwan.
Bagama’t nais ng ilang alkalde na palawigin pa ang umiiral na modefied enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila ay hindi sumang-ayon ang mga eksperto sa pagnenegosyo dahil babagsak na ang ekonomiya ng bansa.
Sabi ng mga eksperto sa pagnenegosyo apektado na ang ekonomiya sa halos anim (6) na buwan nang pananalasa ng COVID-19.
Marami na ang negosyong naapektuhan dahil sa quarantine na ipinatutupad sa ibat-ibang lugar sa bansa. Lalo na sa Metro Manila at katabing mga lalawigan nito tulad ng Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.
Sa mga lugar na ito ay matatagpuan ang malalaking negosyo at mga pabrika. Dahil sa ipinatutupad na mahigpit na quarantine limitado ang kilos ng mamamayan kung kaya’t apektado ang mga pagawaan at negosyo.
Mahigit na sa 27 milyong katao ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Hindi rin makalabas ang mamamayan dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon na masasakyan ng mga manggagawa.
Ang iba naman ay sadyang ayaw nang magtrabaho dahil sa takot na mahawahan ng COVID-19.
Kaya marahil mas pinili ng gobyerno ang kabuhayan para hindi tuluyang bumigay ang ekonomiya ng bansa.
Ngayon nasa taumbayan na lang kung paano nila pagsasabayin ang buhay at kabuhayan.
Kung gusto ninyong hindi kayo magutom pipiliin nyong magtrabaho kahit na mapanganib ang COVID-19. Maaari namang pagsabayin ang buhay at kabuhayan basta’t maging maingat lang po
tayo. Kailangan nating magsuot ng face mask, face shield at sundin natin ang physical distancing.
Kailangan din magbaon ng alcohol, sanitizer at laging maghugas ng kamay at umiwas sa mga tinatawag na social gathering o maramihang pagtitipon.
Sa nakuhang report ng PUNA mula sa Department of Health (DOH), ‘as of August 17, 2020 ang kabuuang bilang ng COVID-19 ay nasa 164,474 na.
Ang pagsirit ng may COVID-19 sa Pilipinas ay nakadepende pa rin sa ating mga Pinoy kung papaano tayo mag-iingat at hindi maging pasaway.
Kung ayaw nating magutom at gusto nating tuluyan nang magbukas ang mga negosyo sa bansa ay makipagtulungan po tayo sa pag-iingat.
Tayo na mismo ang gumawa ng paraan kung papaano tayo magiging ligtas sa kalaban na hindi natin nakikita. Mas makabubuti siguro na lahat ng mga tao na nakakasalamuha natin ay pagdudahan natin na may COVID-19 na pwedeng makahawa sa atin.
Hindi masama magduda para sa ikabubuti nating lahat lalo na para sa ating pamilya.
Inaasahan natin sa muling pagkakaroon ng pampublikong transportasyon at pagbubukas ng mga negosyo sa mga lugar na isinailalim sa MGCQ lalo na ang Metro Manila at kalapit na mga lalawigan ay dadagsa ang mga tao.
Kung kaya’t nasa atin na rin lahat kung papaano natin iingatan ang ating mga sarili habang nasa mga trabaho tayo. ‘Wag po tayo pakampante na hindi tayo mahahawaan ng COVID-19.
Balewala kahit ano pong pagsisikap ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa ikabubuti natin kung tayo mismong taumbayan ay hindi makikiisa sa gobyerno.
Kaya dapat palakasin natin ang kaugalian ng mga Pinoy na ‘BAYANIHAN’.
Magkaisa po tayo para sa ikabubuti nating mga Pinoy.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
