BUMABA ng 20% ang kasong naitala ng Provincial Health Office – Public Health kaugnay sa kaso ng dengue sa lalawigan ng Bulacan.
Naitala ito sa bilang na 1,395 suspected dengue cases mula Enero 1 hanggang Mayo 29, 2021 na mas mababa kumpara sa 1,734 kasong naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Nasa edad isa hanggang 100 ang apektadong populasyon, mga edad 11-20 ang pinakamaraming kaso at tatlo ang namatay na may kinalaman sa dengue.
Sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando ng Bulacan, maituturing na tagumpay ang nasabing datos dahil hindi na kakayanin ng lalawigan ang pagdagsa ng mga tao sa ospital habang humaharap ang mundo sa pandemya.
“Dumating na ang tag-ulan, hindi natin dapat ipagwalang bahala ang iba pang mga sakit na banta sa kalusugan ng ating mga kababayan. Kaya patuloy ang ating kampanya at pagbibigay-diin sa pagsunod sa 4S strategy laban sa dengue,” ani Fernando.
Ang apat na S ay nangangahulugang Suriin at Sirain ang mga pinamumugaran ng lamok sa loob at labas ng bahay; Sarili ay protektahan laban sa lamok; Sumangguni agad sa mga pagamutan o health centers kapag may sintomas ng dengue; Suportahan ang fogging kapag may banta ng outbreak. (ELOISA SILVERIO)
203
