BUNSOD ng patuloy na pag-aalboroto ay nagbuga ng lava ang bulkang Mayon, iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado, Pebrero 7, 2026.
Sinabi ng Phivolcs na nakataas sa alert level 3 ang paligid ng Bulkang Mayon.
Ayon pa sa Phivolcs, bukod sa pagbuga ng lava ay namataan din ang pag-agos ng lava sa bunganga ng bulkan.
Nabatid pa sa ulat na naitala rin ang dalawang volcanic earthquake sa paligid ng bulkan, at 335 beses na pagguho ng bato.
Idinagdag pa sa ulat na bukod sa pagyanig ay namataan din ang pamamaga ng bulkan.
Kaugnay nito, sinabi ng Phivolcs na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone o PDZ at pagpasok nang walang pag-iingat sa Extended Danger Zone o EDZ.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpapalipad ng anomang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan dahil sa banta ng pagguho ng bato, pag-itsa ng lava o bato, pag-agos ng lava at pagputok ng bulkan.
(PAOLO SANTOS)
3
