IBUBUGA na ng Bulkang Taal anomang oras o araw ang naipong magma sa ilalim nito na makapeperwisyo sa mga mamamayan ng Batangas at Cavite maging sa mga karatig na lugar.
Ito ang babala ng mga opisyal ng PHIVOLCS sa kanilang pagharap sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ibinahagi ng PHIVOLCS ang estado ng bulkan nang ipatawag ang mga kinatawan nito ng mga miyembro ng Minority block na pinangungunahan ni Congressman Benny Abante na siyang floor leader at Marikina 2nd Dist. Rep. Stella Quimbo.
Dahil dito ay nanawagan ang minority block sa mga Batangeño at Cavitenño na maghanda, mag-ingat at sumunod sa tagubilin ng lokal na pamahalaan upang makaiwas sa tiyak na kapahamakan.
Bukas ay tutulak patungong Batangas ang mga kongresista upang magdaos ng session sa Batangas City Convention Center para malaman ang sitwasyon ng mga biktima ng Bulkang Taal.
Inaasahang hindi magkakaroon ng bangayan ang Majority at Minority block sa gagawing session kung saan babalangkas sila ng mga batas na makatutulong sa mga kababayang Batangeño pati na rin sa mga nasalanta sa lalawigan ng Cavite.
Itinutulak ng mga mambabatas ang mabilisang ayuda at pagkakaloob ng benepisyo ng Philhealth kahit sa mgsa hindi miyembro at iyong kulang ang buwanang kontribusyon. CESAR BARQUILLA
