TARGET ni KA REX CAYANONG
MULING pinatunayan ng pamahalaang lungsod ng Maynila na ang tunay na pamamahala ay hindi nasusukat sa dami ng proyektong nakikita sa kalsada, kundi sa kabutihang idinudulot nito sa tunay na buhay ng mga tao.
Sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno, sinimulan ang pamamahagi ng mahigit P243 milyong financial assistance para sa mga PWD, solo parent at senior citizen na nakalista sa DSWD, isang hakbang na nagpapatibay sa pangakong walang Manileñong maiiwan.
Hindi simpleng ayuda ang ipinagkakaloob ngayon.
Ito ay malinaw na pagpapatunay na nakikita ng pamahalaan ang bigat ng laban ng 56,000 PWDs na makatatanggap ng tig-P500 kada buwan para sa Hulyo at Agosto 2025, pati na ang mahigit 30,000 solo parent na patuloy na nagsusumikap maitawid ang kanilang mga anak.
Aba’y sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Isko, binibigyang-diin na ang mga sektor na ito ay hindi pasanin ng lipunan, kundi mamamayang karapat-dapat sa pag-aaruga at suporta.
Para sa mga PWD, ang tulong ay maaaring magbukas ng higit na access sa gamot, therapy, o simpleng kaginhawaan sa araw-araw.
Para sa mga solo parent, ito ay dagdag na lakas-loob sa kanilang mag-isang pagharap sa buhay.
Habang para sa mga senior citizen, ito’y paalala na hindi sila nalilimutan sa gulang na madalas nag-iiwan ng mga tao sa tabi-tabi ng lipunan.
Ang ganitong mga programa ay nagbibigay hindi lamang ng tulong pinansyal, kundi respeto at pagkilala.
Ngunit higit sa pamamahagi ng pondo, mahalagang kilalanin ang mas malawak na pananaw ni Mayor Isko, ang paggawa ng lungsod na may direksyong makatao at inklusibo.
Nakita sa mga nagdaang taon na ang kanyang estilo ng pamumuno ay nakaugat sa malasakit.
Nariyan ang mabilis, konkretong aksyon, at malinaw na pagsasaayos ng serbisyo. Ang financial assistance na ito ay hindi lamang proyekto, ito ay pagpapatuloy ng kultura ng gobyernong tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga nasa laylayan.
Masasabi na ang pamamahagi ng milyun-milyong tulong ay simbolo ng isang Maynila na nagsisikap maging patas, makatao, at nakabatay sa tunay na paglilingkod.
Kung magpapatuloy ang ganitong uri ng pamamahala sa ilalim ni Mayor Isko Moreno, malasakit na may direksyon, tulong na may dignidad, walang duda na ang lungsod ay patuloy na magiging modelo ng pag-asa at pagkakaisa para sa buong bansa.
145
