LIGTAS na mailabas ng mga bumbero ang 49 kataong naipit sa naglalagablab na gusali sa Quezon City kahapon ng umaga.
Gayunpaman, isang miyembro ng QC Fire Department ang nasugatan habang binubutas ang isang bahagi ng gusali kung saan padadaanin ang mga nakulong na indibidwal.
Kinilala ang biktimang si Fire Officer 2 Joselito Cabote na magtamo ng pinsala sa kamay sa pagresponde sa nasusunog na Alphabase Bldg. sa panulukan ng Scout Rallos at Tuazon St. sa Barangay Laging Handa sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay QC Fire Marshal Sr. Supt. Gary Alto, nagsimula ang sunog bandang 9:55 ng umaga (October 26), sa tanggapan ng Momentum Construction Corporation na nasa ikalawang palapag.
Sa imbestigasyon, lumalabas na nagliyab ang isang exhaust fan. Mabilis umanong kumalat ang sunog hanggang sa ikawalong palapag ng gusali.
Ganap naman naapula ang sunog bandang alas 12:00 ng tanghali. Sa pagtataya ng arson investigators, aabot sa P4 milyon ang halaga ng pinsala. (LILY REYES)
