NGAYONG Lunes, muling gagamitin ng mga Pilipino ang kanilang karapatang pumili ng mga lider na maglilingkod sa bayan.
Marami ang nag-aalinlangan. Magkakamali na nama ba tayo? Mabubudol na naman ba? Aahon na ba o lalong mababaon sa hirap ang Pinoy?
Sa gitna ng mga alalahanin ay may paalala si dating senador at ngayo’y independent candidate Panfilo “Ping” Lacson sa taumbayan: ang boto ay hindi lang isang karapatan—isa itong pananagutan para sa kinabukasan ng ating bayan, ng ating mga anak, at ng susunod pang henerasyon.
Sa gitna ng kabi-kabilang pangako at kampanya, malinaw ang mensahe ni Lacson: bumoto ayon sa konsensiya, hindi sa kapritso. Piliin ang mga lider na tunay na maglilingkod, hindi magnanakaw; magtatrabaho, hindi magpapabaya; may malasakit, hindi pansariling interes.
Ipinunto ni Lacson na apat ang uri ng kandidato: may masipag at hindi magnanakaw; may masipag pero kurakot; may tamad pero hindi magnanakaw; at may tamad na, magnanakaw pa. Ang hamon sa botante ay tukuyin at ihalal ang una—ang masipag at malinis. Pero sa huli, nasa taumbayan pa rin ang kapangyarihang pumili. At kung mali ang piliin, ang bayan din ang magdurusa.
Ipinagmamalaki ni Lacson na ang mga kasamahan niya sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ay hindi baguhan sa serbisyo-publiko. Lahat sila ay may konkretong karanasan sa pamahalaan—mga lider na alam ang trabaho at may track record ng integridad at aksyon.
Hindi rin nalilimutan ni Lacson ang pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan. Ipinapanukala niya ang pagbibigay ng “rebate” sa LGUs mula sa kanilang nakolektang Value-Added Tax—isang konkretong hakbang para matulungan ang mga bayan at lalawigan sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Hindi ito pangakong hungkag kundi praktikal at makatarungan. Kapag may bahagi ang LGU sa kita ng gobyerno, magagamit ito sa mga proyekto para sa imprastraktura at kabuhayan ng kanilang nasasakupan.
Ang halalan ay hindi isang araw lang ng pagboto; ito ay desisyong may mahabang epekto. Kaya ang panawagan ni Ping Lacson ay hindi simpleng hiling. Isa itong paalala na ang boto natin ay para sa mga anak nating papasok sa paaralan, para sa mga kabataang mangangarap, at para sa bayang uusbong kung tama ang lider na ihahalal.
Bumoto nang may prinsipyo. Bumoto para sa bayan.
Piliin ang magsisilbi hindi ang pagsisilbihan.
