KINONDENA ng isang militanteng kongresista ang diumano’y paggapang ng Philippine National Police (PNP) sa mga barangay kung saan nakapagtala ng malaking boto ang mga progresibong partylist group nitong nakalipas na May 9 general elections.
Ayon kay House assistant minority leader at Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, may dokumentong patunay sila sa ginagawang profiling ng PNP sa mga tao sa mga barangay na pinaniniwalaang balwarte ng Makabayan bloc.
Aniya, isang bagong memorandum ang ibinaba ng Northern Police District (NPD) na nag-aatas na iprofile ang mga tao sa mga komunidad o barangay kung saan nakakuha ng malaking boto ang kanilang grupo.
“A June 9, 2022 letter by the PNP intel section to a barangay in Navotas City, which was signed by Police Lieutenant Luis Rufo Jr., refers to the memo “from Higher headquarters”, and requests the barangay to list “sectoral mass organizations,” their leaders and members,” ani Brosas.
Bukod sa Gabriela, pasok din sa 19th Congress ang ACT at Kabataan partylist. Gayunpaman, bigo naman ang Bayan Muna partylist group na makalikom ng sapat na boto para mapanatili ang pwesto sa Kamara.
Para kay Brosas, isang desperadong hakbang ang ginagawa ng PNP sa mga tao sa mga barangay na sumuporta sa kanilang grupo noong nakaraang eleksyon, kasabay kantyaw na nagawa pa rin naman aniya nilang makalusot sa kabila pa ng red-tagging at mga ipinakalat na fake news laban sa mga progresibong grupo.
“Pag-aaksaya ng buwis ng taumbayan ang community profiling na tanging layunin ay maghasik ng takot at terorismo sa mga komunidad sa panahong matindi ang pagkalam ng sikmura ng mamamayan,” ayon sa solon.
Taong 2019 nang umpisahan ang red-tagging ng pamahalaan kasunod ng pagbawi ng suporta ng Makabayan bloc kay Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang tinulungan umano noong 2016. (BERNARD TAGUINOD)
