DPA ni BERNARD TAGUINOD
SA tingin ko, bunga ng kasipsipan ng isang appointee ang isang programang nais isulong na ipapangalan sa inisyal ng kanyang appointing officer partikular na ang Pangulo.
Tulad na lamang nitong Batang Busog Malusog o BBM, isang feeding program na nais isulong daw ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Lorenzo Gadon.
Isa pang programa na may acronym na BBM ay ang Build Better More na patungkol naman sa pagpapatayo ng mga imprastraktura sa ilalim ng administration ni Junior.
Parang tayo lang yata ang gumagawa n’yan na ipinapangalan sa nakaupong pangulo ang isang programa na akala mo ay pera ng pangulo ang perang gagastusin sa ganitong mga programa.
Kung pera ng pangulo ang gagamitin, sige ipangalan mo sa kanya ang programa. Kung gusto niya kahit sa kanyang asawa at mga anak eh ipangalan n’yo dahil pera naman nila ‘yan.
Pero pera ng bayan na mula sa kinokolektang buwis sa mga Filipino eh, dapat lang na mahiya sana ang appointees dahil isang uri na ito ng kasipsipan.
Wala rin problema kung pera ng appointees ang gagamitin sa isang programa na ang acronym ay inisyal ng kanyang appointing officer, kaso pera ng bayan ang ginagamit n’yo eh.
Dapat mag-isip ang mga appointing officer ng programa na magtutuloy-tuloy kahit wala na sila sa kapangyarihan dahil ang kanilang mga programa ay tiyak na hindi itutuloy ng susunod na pangulo.
Sino ba namang pangulo ang magtutuloy ng isang programa na ang acronym ay inisyal ng kanyang pinalitang pangulo? Maliban lamang siguro kung anak niya ang papalit sa kanya na imposibleng mangyari dahil hindi pa nagkaroon ng Pangulo na ang pinalitan ay ang kanyang magulang.
Meron mga anak ng dating Pangulo ang naging presidente pero hindi pa nangyari na ang pumalit sa isang incumbent president ay ang kanyang anak.
Bago ako magtapos, gusto ko lang ipaalala kay Gadon na ang feeding program ay matagal nang ginagawa ng gobyerno. Taon-taon ay naglalaan ang Kongreso ng pondo para sa programang ito sa mga batang anak ng mahihirap na hindi kumakain bago pumasok sa eskwelahan.
Saka hindi ang programang ito ang tugon para maiangat mula sa kahirapan ang mga Pilipino kundi ang pagbibigay ng trabaho sa mga walang trabaho.
Hangga’t walang mapapasukang trabaho na may maayos na sweldo ang mga Pilipino ay hindi sila aangat sa kahirapan kaya ang tutukan dapat ng ahensyang ito ay industriyalisasyon at pagpapaunlad sa agrikultura. Intiyende?!
