HINDI nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) – Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang isang Canadian passenger na nagtangkang magpuslit ng P48.6 milyong halaga ng shabu na idineklara bilang Truffle chocolate balls, sa kanyang check-in baggage.
Nabunyag din na ang naarestong courier ng illegal drugs ay nagmula sa Mexico, at dumating sa NAIA Terminal 1 noong Hunyo 29, 2023 mula Narita, Japan via Japan Airline Flight No. JAL741.
Ang passenger check-in baggage ay isinailalim sa rigorous screening, kasama ang X-ray scanning, K9 inspection, at physical examination, na naging daan ng pagkakadiskubre sa 7,150 gramo ng itinagong methamphetamine hydrochloride o shabu.
Ang nasabing illegal drugs ay tinatayang nagkakahalaga ng P48,620,000 ayon sa kumpirmasyon ng PDEA.
Ang arestadong pasahero at nasabat na illegal drugs ay na-turnover sa PDEA para sa custodial investigation at inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165, o kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act, na inamyendahan, at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa ilalim ng pamumuno ni Acting District Collector Yasmin O. Mapa, ang BOC NAIA ay nananatili sa kanilang pangako na pagprotekta sa hangganan ng bansa na nakalinya sa priority programs ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
(JO CALIM)
