BUROL NI MS. SUSAN ROCES BINUKSAN SA PUBLIKO

INIHAYAG ni Senador Grace Poe na bukas na ang public viewing kay Susan Roces, kilala bilang Lola Flora sa seryeng Ang Probinsyano, bago ang libing nito sa Miyerkoles, May 25, sa North Cemetery, Maynila kasama ni Fernando Poe Jr. o si “Da King.”

Sa panayam sa Heritage Park nitong umaga kung saan nakaburol ang kanyang ina, sinabi ni Poe na inuna ng kanyang pamilya na mapagbigyan ang kaibigan, kaanak at associates na mapaglamayan nila nang pribado si Ms. Roces na namatay sanhi ng atake sa puso.

Aniya, simula Mayo 22, magkakaroon ng public viewing kay MS. Roces bago ihatid sa huling hantungan sa North Cemetery, Maynila sa kanilang family mausoleum sa naturang lugar.

Sinabi pa ni Poe na hindi nawalan ng makakasama ang kanyang ina nang magkaroon ito ng sakit at isinugod sa pagamutan kamakailan hanggang sa bawian ng buhay.

“Ang masasabi ko lang po kahit na po nagkaroon siya ng sakit, hindi naman po siya nawalan ng makakasama, nandun po ang kanyang mga mahal sa buhay at siya naman po, lahat naman po ng mga pinangarap niya ay nakamtan na niya at lahat ng mga nais niyang tulungan, natulungan niya. Handa na rin po kami pero siyempre kami po ay nagluluksa,” ayon kay Poe. (ESTONG REYES)

172

Related posts

Leave a Comment