“HINDI ito pagtalikod sa interes ng bansa. Hindi rin pagyuko sa dikta ng Amerika kundi maituturing na isang matalinong diskarte ni Pangulong Ferdinand Marcos sa isinagawang kasunduan ng kalakalan at seguridad sa pagitan nila ni United States President Donald Trump na hindi dapat kaagad husgahan.”
Pahayag ito ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, isang tapat na lider ng apat na civic oriented groups na nagtataguyod at sumusuporta sa mga karapatan ng Pilipino at sa mga isyung panlipunan sa bansa.
“Diskarte ito, hindi pagsuko,” buwelta ni Goitia sa mga kritiko na patuloy na bumabatikos sa Pangulo dahil nakasanayan na at palaging naiisip na ang mabuting pakikitungo o diplomasya ay isang bitag upang sumunod at kalaunan ay madehado tayo. “Pero paano tayo uusad kung ganyan tayo mag-isip,?” aniya pa.
Ang nasabing kasunduan ay nag-aalis ng buwis sa mga produktong galing Amerika, habang may 19% taripa naman sa mga produktong papuntang Estados Unidos mula sa Pilipinas na sa paningin ng iba ay one-sided at malulugi tayo.
Pero ayon kay Goitia, kailangang tingnan ito ng malalim dahil hindi lamang ito usapang taripa.
“Kalakalan ito, hindi palitan ng tingi-tingi sa merkado. Ang mahalaga ay nakapasok tayo sa merkado nila, may pakinabang tayo, at higit sa lahat — may nakapagtatag tayo ng mahabang pakikipag-ugnayan sa Amerika. Hindi lamang ito pagsang-ayon kundi isang tagumpay na maituturing para kay Presidente Marcos.” Hindi rin aniya dapat hinuhusgahan agad ang resulta ng kasunduan.
“Ang tunay na tagumpay ay hindi minamadali. Ito ay may kaakibat na taktika at tiyaga ng mahabang panahon upang masabing seryoso ang isang bansa na makuha ang tagumpay,” aniya pa.
Isang isyu rin ang pagbubukas ng pinto sa mga dayuhang mamumuhunan sa pagmimina at enerhiya. Pero malinaw ang paninindigan ni Goitia:
“Dekada na nating hawak ang mga likas-yaman, pero nananatiling hindi nagagalaw sa ilalim ng lupa. Kung may ibang gustong tumulong at may teknolohiyang dala, basta’t tayo ang nagdidikta ng patakaran — bakit hindi natin pagkakitaan?”
Maging ang mga magsasaka ay nangangamba sa nasabing kasunduan na makakapagpahina sa sektor ng pagsasaka subalit ayon kay Goitia, hindi ito dapat gamitin para takutin ang mga magsasaka.
“Matagal nang napapabayaan ang mga magsasaka at sektor ng agrikultura. Hindi dahil sa mga trade deal, kundi dahil sa kakulangan ng suporta na ibinibigay sa kanila. Kung magkakaroon ng
silbi itong kasunduan para matutukan sila, mas mabuti pa,” ani Goitia.
Sa isyu ng depensa, binigyang-diin ni Goitia hindi tinatalikuran ng Pilipinas ang soberanya nito.
“Wala tayong ipinamimigay bagkus ay ginagawa ng gobyerno ang lahat para protektahan ang teritoryo ng Pilipinas na sariling atin. Sa panahon ng tensyon sa West Philippine Sea. (WPS), kailangan natin ng kakampi. At isang matalinong estratehiya ang makipag-alyansa sa malalakas at maunlad na bansa.
Sa mga nagsasabing kabaliktaran o pambobola lamang ang pagpuri ni Trump kay Marcos, ito ay sinagot ni Goitia na
“Hindi ito puro papogi, ang mahalaga ay nagkaroon ng matibay na kasunduan at umuwi ang Pangulo na may bitbit na tagumpay para sa bansa”.
Sa huli, panawagan ni Goitia sa publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta maniwala.
“Normal na magtanong dahil bahagi ito ng demokrasya pero huwag natin gawin ang nakasanayanan ng iba na mapaghinala at may pagkontra sa maraming bagay. Hindi man perpekto ang kasunduan, ang malinaw ay may matibay na kasunduan na naganap na hindi naisagawa ng mahabang panahon.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
106
