MULING inulit ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon na dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ay nananatiling ipinagbabawal ang burol sa bahay at maaari lamang itong gawin sa funeral parlors.
Ang paalala ay inilabas ni Barangay Community Relations Department (BCRD) head Ricky Corpuz matapos siyang makatanggap ng impormasyon na may mga barangay na pinapayagan ang burol ng patay sa mga bahay.
“We remind the family of the deceased that wakes are strictly allowed only in funeral parlors and not at home. It hasn’t changed since the enhanced community quarantine (ECQ) days,” ani Corpuz.
“Marami kasing funeral parlor ang nagsasabi na kapag may clearance ng barangay ay papayag kaming gawin ang burol sa bahay,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Corpuz, sa ilalim ng Ordinance No. SP-2907, S-2000 ay ipinagbabawal ang pagsasagawa ng burol ng bangkay sa bahay bilang pagpapatupad ng mahigpit na health protocols upang maiwasan ang maramihang pagtitipon at para makontrol ang pagkalat ng virus.
Ayon pa sa kanya, sa ilalim ng nasabing ordinansa, pinapayagan lamang ang paglalamay o burol kung negatibo sa COVID-19 ang namatay, ngunit sa loob lamang ng dalawang araw at sa funeral parlor ito gagawin.
Pangunahing miyembro lamang ng pamilya ang papayagang makilibing o dadalo sa cremation.
May alternatibo naman ng pagsasagawa ng paglalamay sa community mortuaries sa barangay o sa chapel ngunit sakop pa rin ito ng parehong protocols.
Kasabay nito, nagbabala naman si Mayor Joy Belmonte sa mga barangay official at funeral homes personnel na papayag ng burol sa bahay, na maaari silang parusahan katulad ng pagbabayad ng multa o pagkakakulong para sa paglabag sa nasabing ordinansa.
Ang QC-based funeral parlors na lalabag sa nabanggit na ordinansa ay pagmumultahin ng P5,000 sa bawat paglabag at parurusahan at maaaring pang alisan ng kanilang business permit.
Base pa sa ordinansa, ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P5,000 at/o pagkakakulong na hindi lalagpas ng anim na buwan depende sa desisyon ng korte.
Maaari rin silang maharap sa kaso sa ilalim ng Republic Act N. 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.”
“What we are trying to avoid is crowded wakes where a potential surge can occur. While we understand that we should accord grieving families the right to pay their last respects, the virus is still there to wreak havoc and could ruin even our Christmas celebration. So, if we can limit the wake to the immediate family and in a controlled environment, then we can avert the spread of the virus,” pahayag pa ni Belmonte. (JOEL O. AMONGO)
