HINDI na uubra pa kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang “business as usual” para maging matagumpay ang bansa.
Para sa Pangulo, kailangan nang isulong ng local leaders at civil society groups ang pagbabago na magsisimula sa kanilang komunidad para makatulong sa lipunan at ekonomiya.
Sa talumpati ng Pangulo sa Galing Pook Awards ngayong taon sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi nito na ang tagumpay ng isang bansa ay depende sa inobasyon o isusulong na pagbabago.
“Hindi na talaga pupuwede ang business as usual. Kailangan nag-iisip lagi tayo, ano ba ‘yung puwede pang pagandahin? Ano pa ‘yung hindi natin ginagawa na baka subukan natin baka gumanda, baka maganda ang resulta?” ayon sa Pangulo.
“Lahat ay sinasabi ay kailangan natin magsimula ng panibago. This new society — the new economy that we are facing is going to be very different from what we are used to. And a great part of it, a great part of our success will be to innovate,” dagdag na pahayag nito.
Nauna rito, sa idinaos na Career Executive Service Board (CESB) sa Pasay City, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang career officers sa gobyerno na i-adapt ang bagong paraan sa pagtatayo ng negosyo at subukan ang makabagong teknolohiya upang maging ‘competitive” ang burukrasya.
Tinuran nito ang kahalagahan ng paghawak ng pamahalaan sa bagong ekonomiya o “new post-pandemic global economy.”
Ang Galing Pook Awards ay inilunsad noong Oktubre 1993 kung saan mahigit 300 local government programs sa buong bansa ang kinikilala nito. (CHRISTIAN DALE)
