BUWAGIN NA ANG PS-DBM

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

PANAHON na para buwagin ni Pangulong Bongbong Marcos ang notoryus na Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).

Halos lahat na lang ­kasing multi-bilyong pisong mga anomalya sa pamahalaan ay laging sabit ang tanggapang ito.

Isipin na lang na noong panahon ni dating Pangulong Digong Duterte ay isa sa pangunahin na nilabanan niya bukod sa droga ay ang ­korapsyon at katiwalian sa pamahalaan.

Pero bagama’t determinado si Digong na walisin ang mga korap sa gobyerno noong panahon niya ay walang takot ang mga taga PS-DBM, at talagang ginamit nila ang tanggapan upang tumiba at kumita ng limpak-limpak na salapi.

Kaya naman ngayong panahon na ni PBBM ay nararapat lamang na pag-isipan na niya na buwagin ito sapagkat wala naman itong nagagawang mabuti at nagagamit pa sa katiwalian ng mga korap sa pamahalaan.

Kung matatandaan ay una nang ipinanukala noong nakaraang taon pa ni Sen. Imee Marcos ang pagbuwag sa PS-DBM matapos lumabas na sangkot ito sa P8.6 bilyon na maanomalyang pagbili ng overpriced face masks, face shields at PPEs mula sa ­Pharmally Pharmaceutical ­Corporation.

Matatandaan na binigyan ng PS-DBM ng proyektong nagkakahalaga ng P8.6-B ang Pharmally gayong ang deklaradong paid-up capital nito ay nasa P600,000 lamang.

“I think it’s really outlived its usefulness and instead, with its miserable track record and all these kurakot [corruption] we keep hearing about — or sabihin na nating walang [let’s say there’s no] corruption — all these inefficiencies we keep hearing about, eh mas maigi na mag-procure na lang ang bawat isa (agency),” sabi niya.

At ngayon naman na hindi pa nga nareresolba ang isyu sa Pharmally ay nasa sentro na naman ito ng kontrobersya kaugnay naman ng maanomalyang pagbili ng entry level at low tech na mga laptop na nagkakahalaga ng P2.4-Billion para sa Department of ­Education.

Kahit sino ay mapapaisip talaga kung saan kumukuha ng lakas ng loob at kapal ng mukha ang mga taga PS-DBM para pumasok sa mga maanomalyang mga gawain na ito.

Nakatutulong din kasi ­siguro na bilang isang sensitibong tanggapan ng pamahalaan ay tila nasa ilalim ito ng radar at hindi dumaraan sa kumpirmasyon ng ­Commission on Appointments (CA) ang ­namumuno rito.

Ito ay sa kabila na ang pondo na hinahawakan at dumadaan sa kamay nito ay malamang na mas malaki pa kaysa ibang departamento ng gobyerno.

Kaya kung hindi man tuluyang bubuwagin ay dapat magkaroon ng reporma kung paano mag-o-operate ang PS-DBM at isa na rito ay obligahin ito na isapubliko ang lahat ng detalye sa mga transaksyon at procurement na ginagawa nito.

Ang mandato ng PS-DBM ay bumili at mag-ingat ng mga kinakailangang kagamitan at supplies na ibebenta naman nito sa ibang departamento at ahensiya ng gobyerno sa mas mababang halaga.

Pero sa malas ay kabaliktaran ang ginagawa ng PS-DBM dahil sa halip na makatipid ang pamahalaan ay mas mababang kalidad ang ibinebenta nito sa napakataas na halaga tulad ng nangyari sa mga laptop ng DepEd.

Dahil sa mga anomalyang ito ay dapat lang siguro talaga na buwagin na lang ni PBBM ang ahensyang ito!

246

Related posts

Leave a Comment