PS-DBM NA NAMAN?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

INAABANGAN ko na magsalita ang mga dating tauhan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga nahahalukay na katiwalian noong nasa kapangyarihan pa ang kanilang amo.

Kaso nakabibingi ang kanilang katahimikan dahil hindi umiimik sa panibagong pasabog ng Commission on Audit (COA) na bumili ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) ng overpriced na mga laptop.

Nangyari ito noong panahon ni dating Usec. Lloyd Christopher Lao na unang sumabit sa overprice na medical kits na binili nila sa baguhan sa industriya na Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Akala ko sa Pharmally lang sumabit si Lao, sabit din pala siya rito sa overprice na mga laptop. Ang tanong, kaya ba ng Senado na paharapin siya nang personal sa isasagawang imbestigasyon.

Ganito pala kalala sa PS-DBM noong panahon ni Digong na nanumpa sa sambayanang Filipino na susugpuin niya ang katiwalian sa gobyerno kapag siya ang nanalong pangulo.

Iniluklok ng mahigit 15 ­milyon Pinoy noong 2016 dahil sa pangako niyang ito pero walang nangyari at ngayong wala na siya sa kapangyarihan, isa-isa nang sumisingaw ang baho ng katiwalian sa kanyang gobyerno.

Palagay ko, marami pang katiwalian na nangyari sa Duterte administration ang sisingaw dahil ­napakaraming procurement activities ang ginawa ng PS-DBM dahil sa kanila ibinabato ang budget ng mga ahensya ng gobyerno na hindi agad nagamit, at upang maiwasan na mapaso ay ibabalik sa National Treasury. Para-paraan lang eh, no?

Pero sabi ko nga, ­nakabibingi ang katahimikan ng mga bata ni Digong na nasa poder pa rin hanggang ngayon. Mukhang natatameme sila pero ang tanong, nagugulat ba sila o alam na nila kaya tuma­tahimik na lang?

Sabagay, gawain ng mga pulitiko ang “no talk, no mistake” strategy pero umaasa pa rin ako na magsalita sana ang mga ito at kondenahin ang katiwaliang nangyari sa nakaraang administrasyon.

Tumulong silang parusahan ang mga sangkot sa katiwalian dahil hangga’t walang naparurusahan, patuloy na mangyayari ang karumal-dumal na gawain na iyan ng ilang nasa kapangyarihan.

Huwag silang magsalita lang kapag lang sumabit ang kanilang pangalan para ipagtanggol ang kanilang sarili. Tungkulin nilang tumulong para panagutin ang mga corrupt.

Teka, may nakasampa na bang kaso kay Lao at mga opisyales ng Pharmally? Wala na tayong naririnig ah. Nasaan si Dick Gordon? Nasaan na ang mga opisyales ng kumpanyang ito na nagpiyesta noong nasa poder pa ni Digong?

Nasaan na nga pala si Michael Young na kabilang sa inimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng Pharmally? Nakabalik na ba sa China? Natatanong lang.

520

Related posts

Leave a Comment