BISTADOR ni RUDY SIM
LIKE father like son ika nga na tila namana ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) mula sa kanyang ama na dating lawyer ng ahensya, kung paano gumawa ng pagkakaperahan sa airport na ngayon ay nakatalaga sa NAIA bilang deputa at bata ‘di umano ni Kume.
Putok sa NAIA ang umano’y kabalastugan nitong si alias “Monmoy Palaboy” na kung umasta umano ay parang nabili na nito ang matitinong immigration officers at target nitong ipahamak ang mga bagitong IO na wala pang masyadong kaalaman sa mga kalokohan sa airport.
Ngunit ilan naman sa mga opisyales sa airport ay pumalag sa pamamasahero ng opisyal na siyang utak ‘di umano ng pagpapaalis ng mga kababayan nating tourist workers patungong Cambodia tuwing “graveyard” o pang gabi na shift, upang hindi raw mainit sa mata… Naku po! May basbas kaya ito sa kanyang boss kung saan siya nagre-remit ng Tara kada Biyernes?
Ito rin ‘di umano ang nangunguna sa pagpapalusot sa airport ng mga dayuhang kahit nasa alert list at kahit overstay ay lusot agad at hindi na kailangan magbayad ng penalties na sana ay papasok sa kabang yaman, na imbes na pumasok sa gobyerno ay swak sa kanilang bulsa ang malaking halaga… Grabe naman kagarapal ‘yan boss!!
Kung walang ganitong anay sa BI na nakasisira ay hindi sana bagsak ang koleksyon o kita ng ahensya na ngayon ay ang mga lumalaban nang patas ang apektado dahil sa pagkaltas sa kanilang augmentation pay ng 20% na siyang masakit at ramdam ng kanilang pamilya na patuloy na nagtitiis.
Hanggang ngayon ay patuloy na naghihintay ang mga kawani ng BI kung susundin ba ni Kume ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsumite ng kanilang resignation letter ang lahat ng cabinet members at agency heads at tanging itong si Kume Viado na lamang na matigas ang blackheads, ang hindi pa nagsumite ng resignation sa kabila na nagsumite na sina Boying Remulla at NBI Director Jaime Santiago.
Hindi ba natatakot itong si Monmoy Palaboy na baka isang araw ay siya naman ang posasan ng NBI kagaya na lamang sa kanyang ama na nakita ko noon na kahiya-hiyang bumaba sa hagdan ng BI na naka-bracelet ng posas matapos madakip sa entrapment operation.
Abangan natin ang susunod na kabanata at tumutok lamang dahil marami pa tayong ibibisto na mga tiwali… Isang paglilinaw lamang na mas marami pa rin ang matino sa ahensya kaysa tiwali… peksman, tamaan man ng kidlat at kulog si Kume!!
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
