CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PUNTIRYA ng pamahalaan ang mga bagong buwis upang makakolekta ng P1 trilyon.
Sa kanyang ikalawang SONA, inilatag ni President Ferdinand Marcos Jr. ang listahan ng mga prayoridad na hakbang para talakayin ng Kongreso.
Nasa listahan ang ilang mahahalagang tax measures na kinabibilangan ng motor vehicle user’s charge, o road users tax kung saan tataasan ang bayarin ng mga may kotse, motor, at iba pang mga sasakyan.
Puro dagdag-kita ang naiisip pero ang papasan ay taumbayan.
Malaking karga nga ito sa investment ng gobyerno pero kailangang may tiyak na paglalaanan at siguradong magagamit nang may katuturan at kabuluhan.
Teka, anong partikular na proyekto at programa ang pagtutuunan ng makokolekta sa mga motorista? Kung gagastusin sa mga signboard sa kalsada, aba hindi kaya magkaroon ng anomalya?
Sa dami ng paglalagyan, paniguradong mayroon mabubusog sa karatula.
Baka naman pwedeng ilaan ang kahit ilang porsyento ng makokolekta sa itataas na buwis ng mga motorist, sa jeepney modernization program.
Pinupursige naman ng gobyerno ang modernisasyon ng mga jeep, eh ibuhos na nila ang tulong sa mga nabibigatan sa programa nang lubos na itong lumarga.
Huwag munang isipin ang kikitain. Sagipin muna ang nagpapaalipin sa kahirapan.
Bagong Pilipinas na ‘di ba?
Bukod sa road user’s tax, nariyan din ang buwis sa single-use plastics at sa mga inuming may asukal. Kasama rin pala ang value-added tax (VAT) sa digital services.
Daming makokolekta pero ang tanong: saan mapupunta?
Sabagay, ‘di pa sure ang mga bagong buwis dahil may babala sa Senado na haharangin daw ito.
Sabi ni Sen. Chiz Escudero ay dadaan sa butas ng karayom o posibleng tablahin nila ang bagong buwis.
Para raw makapasa ang mga bagong buwis ay dapat magpadala ang Palasyo ng taong magaling magpaliwanag.
Abangan natin kung totoo ngang mahihirapang lumusot sa Senado ang bagong buwis. Baka naman sabi lang ito ni Chiz.
185
