BUWIS SA PAGMIMINA DAPAT PAG-ARALAN MUNA

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

HITIK na hitik sa likas na yaman ang Pilipinas katulad ng mga metalikong mineral gaya ng ginto, nickel, tanso, at chromite. Ito ay dahil sa lokasyon ng bansa sa tinatawag na Pacific Ring of Fire kung saan maraming ­aktibong bulkan. Bunsod nito, hindi maipagkakailang malaki ang potensyal ng ­industriya ng pagmimina sa bansa.

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), ang ahensya ng pamahalaan na pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasa 30 milyong ektarya ng lupa ang maaaring mapagkuhanan ng mga metalikong mineral sa bansa, at nasa humigit kumulang siyam (9) na milyong ektarya naman ang lupang natukoy na mayroong mataas na potensyal ng pagkakaroon ng mineral.

Malaki rin ang kontribusyon ng industriya ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa datos ng MGB noong ­Hulyo 2022, umabot sa P180.71 ­bilyon ang kontribusyon ng ­paglikha ng metalikong mineral noong 2021 at nasa US$ 6.27 bilyon naman ang kontribusyon ng pag-export ng mineral.

Mismong si Finance ­Secretary Benjamin Diokno ang nagsabi na ang industriya ng pagmimina ang isa sa mga industriyang maaaring makapagbigay ng malaking kontribusyon sa muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa at sa pangmatagalang paglago nito, lalo na’t mataas ang presyuhan ng mga metal sa ­pandaigdigang merkado.

Ikinagalak naman ng Chamber of Mines of the Philippines ang pahayag ng bagong administrasyon na susuportahan nito ang industriya ng pagmimina at ituturing ito na isa sa mga maaaring makapagbangon ng ekonomiya ng bansa. Napakalaking pagbabago nga naman nito kumpara sa lampas isang dekadang operasyon ng industriya sa ilalim ng mahihigpit na mga polisiya.

Ngunit kasabay ng pangakong ito ay ang paglutang naman ng panukalang batas patungkol sa bayarin sa buwis na isinumite kamakailan ng House Ways and Means Committee. Ayon sa Chamber of Mines, wala umanong konsultasyon na naganap ukol dito.

Kapag naipasa ang panukalang batas na ito, ang tatlong malalaking mga proyekto ng industriya sa bansa, sa halip na nakatutulong sa ekonomiya, ay maaaring malagay sa alanganin. Maaari ring magsara ang ilan sa mga malalaking operasyon ng pagmimina na magreresulta sa kawalan ng hanapbuhay sa gitna ng ­pandemya.

Pinalad akong makausap si Chamber of Mines Chairman Atty. Mike Toledo. Aniya, sila ay kaisa ng pamahalaan sa paglalatag ng agenda kung paano pauunlarin ang industriya ng pagmimina upang makatulong ito sa pagbangon at pagpapa­lago ng ekonomiya ng bansa. Subalit kailangan din nila ng suporta upang mas patatagin ang industriya sa pamamagitan ng mga polisiyang mag-aangat dito. Ang Chamber of Mines ay umaasa na ang kanilang panawagan ukol sa pagsiguro na magiging makatwiran ang buwis ay mapakinggan para sa tuluy-tuloy na paglakas ng industriya ng pagmimina.

Ang mga mamumuhunan ay nag-iingat sa mataas na buwis. Hindi lamang Pilipinas ang bansang mayaman sa metalikong mineral kaya’t hindi magdadalawang isip ang mga ito na humanap ng ibang bansa kung saan mas mababa ang buwis. Ang pagbubuwis ay isang bagay na dapat pag-aralang mabuti. Kailangan natin ng mga imbestor ngunit ang mataas na buwis ay isa sa mga bagay na makapagtataboy sa mga ito.

275

Related posts

Leave a Comment