‘BUY LOCAL’ PALALAKASIN SA BAYANIHAN 2

MAGBIBIGAY ng lakas sa “buy local” campaign ang pagkakalagda sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay isang hakbang na humihimok sa mamimiling Pilipino na tangkilikin ang mga produktong gawa sa bansa upang matulungan ang mga lokal na industriya at itaguyod ang pagbangon ng ekonomiya.

Inihayag ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, sa kanyang Facebook Live nitong Sabado kung saan binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga negosyong Pilipino, partikular ang mga nabibilang sa Micro, Medium and Small Enterprises (MSMEs).

Sinabi ni Nograles na “sa puntong ito, pinag-uusapan natin kung paano ibabangon ang ating ekonomiya at isa sa mga pinakamahusay na paraan ay ang pagtangkilik sa gawang Pilipinas.”

Binigyang punto rin ng opisyal ng Palasyo na nakapaloob sa Bayanihan 2 Law na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Biyernes ang mga probisyon na nagpapahalaga sa pagtangkilik sa mga produktong lokal, kabilang na ang construction materials para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.

“Kami’y nananawagan na bilhin natin ang lokal na produkto, tangkilikin ang gawang Pilipino –– suportahan natin ang sariling atin.”

Kaugnay sa tanong ng netizens tungkol sa kung anong mga aksyon ang maaaring gawin laban sa mga manufacturer na sinasamantala ang kampanyang ito sa pamamagitan ng paglalagay ng maling etiketa sa kanilang mga produkto at pinalalabas ang mga ito na gawa sa Pilipinas, pinayuhan ni Nograles ang publiko na i-report ang ganitong mga insidente sa Department of Trade and Industry (DTI).

“Pwede yan ireklamo sa DTI; alam ng DTI kung ano ang dapat gawin dito. Nakalulungkot na may mga gumagawa nito, pero hindi dapat sila makalusot. Bawal ang mislabeling, may mga batas laban doon,” ayon sa opisyal na tubong Davao.

Nakatanggap si Nograles ng mga mungkahi upang makilala nang wasto at dapat lagyan ng etiketa ang mga produktong gawa sa Pilipinas, kabilang ang mga produktong pang-agrikultura, at inihayag na mayroon pang mga talakayang mangyayari sa Zero Hunger Task Force ng gobyerno para sa paglalagay ng marka sa mga produktong mula sa sakahan upang malaman ng mga mamimili kung saan ang mga ito nanggaling.

“Pagdating sa mga produktong pang-agrikultura, sariwang ani, kailangang magkaroon ng paraan upang malaman natin kung saang rehiyon ito nagmula. Paraan na rin yan upang ipagmalaki ng mga rehiyon ang kanilang mga produkto.” (CHRISTIAN DALE)

127

Related posts

Leave a Comment