SINUSPINDE ng Philippine Coast Guard-Northern Quezon ang lahat ng biyahe ng mga sasakyang-dagat sa mga rutang sakop ng Polillo Group of Islands simula nitong Sabado ng hatinggabi dahil sa epekto ng Tropical Depression Luis, dahilan upang ma-stranded ang kabuuang 73 pasahero sa mga pantalan.
Sa tala ng Coast Guard hanggang alas-7:08 ng umaga nitong Linggo, 69 na pasahero ang na-stranded sa Polillo habang 4 naman ang naiwan sa Patnanungan, bukod pa sa 5 RoRo vessels, 3 maliliit na sasakyang-dagat, at 14 rolling cargoes na hindi rin makabiyahe.
Ipinatupad ang suspensyon matapos isailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Polillo Group of Islands, alinsunod sa umiiral na safety guidelines ng Philippine Coast Guard.
Ayon sa Coast Guard, tanging mga sasakyang nasa pangunahing supply routes at special areas lamang ang maaaring payagang bumiyahe kung mapatutunayang ligtas ang kondisyon ng paglalayag at makasusunod sa lahat ng itinakdang panuntunan.
Pinayuhan din ang mga may-ari at operator ng mga sasakyang-dagat na mahigpit na bantayan ang galaw ng bagyo at umiwas sa paglalayag habang nananatiling masama ang lagay ng panahon at karagatan.
Patuloy namang mino-monitor ng PAGASA ang Tropical Depression Luis, habang inaasahan ang malalakas na pag-ulan sa Quezon nitong Linggo dulot ng bagyo at pinalalakas nitong habagat.
(NILOU DEL CARMEN)
85 