CAINTA MAYOR PINATAWAN NG PARUSANG COMMUNITY SERVICE ANG ANGKAS DAHIL SA VIRAL VIDEO

PINATAWAN ni Cainta Mayor Atty. Elenita “Elen” Nieto ang Angkas ng parusang community service kasunod ng viral video ng ilan sa bikers nito na nakaabala sa trapiko.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Nieto na nagpaliwanag at nagpaumanhin na ang Angkas sa kanilang pulong.

Ayon sa Mayor, nakatakdang gawin ng Angkas ang community service sa Cainta.

“Tinanggap natin ang kanilang paumanhin at umaasa ako na magsisilbi itong learning experience para sa kanila. Titiyakin din natin na tutuparin nila ang pangakong magsilbi sa komunidad,” wika niya.

Bukod sa community service, sinabi ni Nieto na personal na pupunta si Angkas CEO George Royeca sa Land Transportation Office (LTO) para pormal na humingi ng paumanhin at bayaran ang multa sa bawat rider na sangkot sa nasabing insidente.

Bago rito, nagbigay ng public apology si Royeca sa nangyari, sa pagsasabing ang pangyayari ay taliwas sa disiplina, kaligtasan, at pagsunod sa polisiya na tinitindigan ng Angkas.

“Ako po ay nagpapakumbaba at humihingi ng taos-pusong paumanhin sa publiko, sa ating mga mananakay, sa mga kapwa motorista, at sa mga awtoridad,” ani Royeca.

Tiniyak naman ni Royeca na aakuin ng Angkas ang responsibilidad at makikipagtulungan sa awtoridad.

Humingi rin ng paumanhin si Royeca sa mga Angkas biker na nadamay sa isyu.

“Pasensya na po at nadamay kayo. Alam ko na matibay ang inyong dedikasyon sa trabaho at tungkulin ko na gawin ang lahat para maibalik ang inyong tiwala,” ani Royeca.

82

Related posts

Leave a Comment