CAMANAVA COVID DEATH TOLL SUMIPA SA 1,066

SUMIPA na sa 1,066 ang COVID-19 death toll sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area makaraang dalawa ang mamatay sa lungsod ng Navotas City at isa naman sa Malabon City, habang lumobo sa 1,171 ang active cases sa dalawang lungsod at sa Valenzuela matapos na 139 ang magpositibo sa nakamamatay na virus at 71 lamang ang gumaling noong Marso 4.

Umabot na sa 6,231 ang tinamaan ng COVID sa Navotas at 5,609 sa bilang na ito ang gumaling, 425 ang active cases at 197 ang namatay.

Kaugnay nito, dumating na sa lungsod ang unang batch ng Coronavac (Sinovac) vaccine na gagamiting pambakuna sa 100 medical frontliners sa Navotas City Hospital.

Lubos na nagpasalamant ang pamahalaang lungsod sa pamahalaang nasyonal sa pagbibigay ng mga bakuna at inihayag na hangad nito ang tuloy-tuloy na pagdating ng mga bakuna para mas maraming mabigyan ng proteksyon laban sa COVID-19.

Samantala, isa ang nalagutan ang hininga dahil sa pandemya sa Barangay Dampalit, Malabon City.

Ayon sa City Health Department, 40 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 7,098 na ang positive cases sa Malabon, 415 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangays Baritan (5), Bayan-bayanan (1), Concepcion (1), Dampalit (3), Flores (1), Hulong Duhat (1), Ibaba (2), Longos (15), Maysilo (4), Muzon (1), Tañong (5) at Tinajeros (1).

Habang 26 pasyente naman ang gumaling. Sila ay mula sa Barangays Acacia (1), Concepcion (13), Dampalit (1), Niugan (1), San Agustin (3), Tañong (5), Tinajeros (1) at Tonsuya (1).

Sa kabuuan ay 6,421 na ang recovered patients ng lungsod habang umakyat naman sa 262 ang COVID-19 death toll.

Nabatid naman sa City Epidemiology and Surveillance Unit ng Valenzuela City na 331 na ang active cases sa lungsod matapos na 45 ang magpositibo at 38 lamang ang gumaling noong Marso 4.

Sumampa na sa 10,238 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, kung saan 9,632 na ang gumaling habang 275 ang namatay.

Habang isinusulat ito ay hindi pa rin naglalabas ng bagong datos ang Caloocan City ukol sa COVID cases sa siyudad.

Sa pinakahuling nakapaskil na ulat ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa social media ukol sa mga kaso ng COVID sa lungsod na may petsang Nobyembre 15, kung ibabawas sa 12,070 confirmed cases ng lungsod ang 11,596 na gumaling at 332 namatay, ay lalabas na 142 pa rin ang active cases sa Caloocan. (ALAIN AJERO)

 

326

Related posts

Leave a Comment