UMABOT na sa 2,514 ang COVID death toll sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area noong Hulyo 27 matapos na dalawang pasyente ang namatay sa Valenzuela City sa nasabing araw, habang lumobo na sa 1,215 ang active cases sa nasabing mga lungsod.
Umakyat na sa 557 ang mga namatay dahil sa pandemya sa Valenzuela City, habang 341 ang active cases sa lungsod matapos na 78 ang nagpositibo sa virus habang 38 lamang ang gumaling.
Pumalo na sa 21,546 ang confirmed cases sa lungsod, at 20,648 na sa kanila ang nakarekober.
Ayon naman sa Malabon City Health Department, 38 ang nadagdag na confirmed COVID cases noong Hulyo 27 at sa kabuuan ay 13,924 ang positive cases sa siyudad, 226 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Catmon (12), Hulong Duhat (1), Ibaba (1), Longos (9), Niugan (1), Potrero (1), San Agustin (2), Santulan (1), Tinajeros (4), Tonsuya (3), at Tugatog (3).
Habang 15 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Baritan (4), Catmon (1), Concepcion (2), Longos (3), Panghulo (1), Santulan (3), at Tugatog (1). Sa kabuuan ay 13,239 ang recovered patients ng siyudad.
Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangays Tinajeros at Tonsuya dahil muling nagpositibo ang swab test ng dalawa sa mga ito.
Mula 763 ay naging 762 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Tinajeros, samantalang mula 907 ay 906 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Tonsuya. Huli namang naitalang 459 ang COVID death toll ng Malabon City.
Samantala, noon ding Hulyo 27 ay umabot na sa 219 ang active cases sa Navotas City matapos na 42 ang nahawaan ng COVID habang walo lamang ang gumaling.
Sumampa na sa 11,402 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 10,804 na ang gumaling at 379 ang namatay
Noon namang alas-5:00 ng gabi ng Hulyo 26 ay 1,119 na ang total COVID deaths sa Caloocan habang 429 ang active cases matapos na 70 bagong kaso ang naitala.
Sumampa na sa 39,369 ang total confirmed cases sa lungsod habang 37,848 na ang gumaling. (ALAIN AJERO)
165
