PINASALAMATAN ni Senatorial millennial candidate Camille Villar si Tagbilaran Mayor Jane Yap sa pag-endorso sa kanyang senatorial bid noong weekend, na nagpalakas pa ng hindi natitinag na suporta ng Bohol sa kanyang pagtakbo sa darating na eleksyon ngayong Mayo.
Sa pagsali sa Saulog Festival sa Tagbilaran, Bohol noong weekend, nagbigay-pugay si Camille Villar sa kanilang patron na si St. Joseph, the Worker, na sa tingin niya ay inspirasyon para sa kasipagan, katapatan, at matibay na pananampalataya.
“Ngayong araw po, inaalay po natin ang ating pagdiriwang kay St. Joseph the Worker na isang simbolo ng kasipagan, katapatan, at pananampalataya. Nawa’y maging inspirasyon siya sa ating lahat sa gitna ng hamon ng buhay, sa ating pagtatrabaho, at sa pag-aaruga sa ating pamilya at komunidad,” aniya.
“Kaya naman po, iyan din po ang aking inspirasyon sa pagseserbisyo-publiko. Kaisa niyo po ako sa hangarin na patuloy na mapayabong ang turismo at makapagdagdag ng kabuhayan para po sa ating mga kababayan dito sa Bohol,” dagdag pa niya.
Nangako rin siya na uunahin ang mga proyektong pang-imprastraktura upang makatulong sa pagtataguyod ng turismo, at palakasin ang pag-unlad sa pagbisita sa Bohol.
“Sama-sama po nating itataguyod ang mga pangarap at hangarin ng bayan ng Tagbilaran at maging ng buong lalawigan ng Bohol para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng ating bayan,” sabi pa ni Villar.
(Danny Bacolod)
