(NI ABBY MENDOZA)
INIHAYAG kahapon ni Agriculture Secretary Manny Piñol na nakatakda nang simulan sa Pebrero 16 ang P8-B Banana Plantation Project sa Mindanao, ang kauna unahang investment sa rehiyon mula nang maipasa ang Bangsamoro Organic Law.
Ayon kay Piñol, nalagdaan na ang Memorandum of Agreement(MOA) para sa nasabing proyekto sa pagitan ng gobyerno at TechIron Industries, Inc at Switzerland-based Solway Investments Group para gawing modernong Cavendish Banana Plantation ang may 7,000 hektarya ng dating kuta ng mga rebelde na Camp Abubakar.
Sa susunud na Linggo ay nakatakda na umanong magpadala ang DA ng team ng mga soil experts, solar irrigation engineers at digital technology para tignan ang uri ng lupa sa lugar gayundin ay paglalagayan ng limang ilog, pumps at solar panels para sa water irrigation.
Sinabi ni Piñol na may 10,000 trabaho ang magbubukas para sa mga Bangsamoro farmers sa oras na matapos ang proyekto
Nabatid na ang proyekto ay resulta ng ginawang pagbisita sa Moscow ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 kung saan nagbukas ng mga bagong investments.
Ani Piñol ang proyekto ay magbibigay daan para magkaroon ng Russian at Eastern European market para sa mga agriculture at fisheries products mula sa Pilipinas.
167