CAMPAIGN FUNDS NG ADMIN, KUKUNIN BA SA FOREIGN NAT’LS NA HINAHARANG?

DAHIL sa kaliwa’t kanang korapsyon nga­yon sa Bureau of Immigration (BI) at sa epekto ng pandemya ay napakaraming mga ordinaryong empleyado ang halos lupaypay sa kahirapan dahil sa kanilang sinasahod kada buwan na halos kalahati na ­lamang mula nang ito’y bawasan ng ahensya sa kadahilanang wala nang pondo umano ang BI.

Ngunit kung labis na naapektuhan ang mga empleyado na umaasa lamang sa kakarampot na suweldo ay taliwas naman ito sa tanggapan ni Commissioner Jaime Morente at ng ilang ­opisyales ng ahensya na nakatalaga sa airport dahil patuloy pa rin ang kanilang raket sa pagbawi o ‘recall of exclusion order’ para sa mga dayuhang hinaharang sa airport ng Immigration officers.

Noong October 5, sakay ng Myanmar airlines flight UB9905 mula ­Yangon ang 8 Myanmar nationals nang lumapag sa NAIA Terminal 1 na may travel exemption at visa na ipinagkaloob ng DFA ngunit hindi nakapasa ang mga ito sa interview ng Immigration officers dahil sa kakulangan pa ng kanilang travel ­documents upang magtrabaho sa bansa kung kaya’t inilagay ang mga ito sa excluded passengers at pababalikin sa kanilang point of origin.

Sina Nang San Hom, Nang Mwe Hseng Lyan, Nang Mo Non, Nwe Ni Myint, Sai Swam Hlaing, Sai Nay Lin, Aung Naing Oo at Sai Hseng Main ay agad namang pinaboran ni Morente na makapasok sa bansa noong October 6 dahil na rin sa kahilingan ng First Orient ­International Ventures Corp.

Isang grupo naman ng mga Chinese ­nationals ang lumapag sa NAIA Terminal 3 noong nakaraan linggo ang muling hinarang ang kanilang pagpasok, ang mga ito ay sina Luo Zhikun, Pi Guohao, Liang Yonghan, Pan ­Liang, Li Ning, Xie Hongfu, Wu Xia, Lin Longsheng, Chen Xianzhou, Zhang Hao, Wang Xingming, Sun Wanlu, Zhao Qian, Lai Dekun, Qin Fuqiang at Feng Changqing ngunit ang mga ito ay nakapasok na sa bansa noong October 8.

Labis umano ang ipinagtataka ng ilang ­Immigration officers sa airport dahil lihim na itinago ng mga opisyales ng Border Control Intelligence Unit at Travel Control Enforcement Unit ang naturang pag-exclude sa 16 Chinese ­nationals. Bakit kaya? Mayroon ­kayang kumita dito o ito’y ­sadyang itinatago ng tanggapan ng ­Office of the Commissioner? ­Sadyang napapaisip ang mga ­ordinaryong kawani ng BI kung bakit napapadalas ang pagbawi sa exclusion ng foreign nationals. Ito kaya ang kanilang ­paraan upang ­makakalap ng pondo para sa kanilang manok sa 2022 elections?

Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

142

Related posts

Leave a Comment