CANCER OF CORRUPTION, WAKASAN NA – FIL-CHI BUSINESS LEADERS

NANAWAGAN ang mga negosyante mula sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) sa gobyerno, pribadong sektor, at mamamayang Pilipino na sama-samang wakasan ang tinawag nilang “cancer of corruption” na matagal nang sumisira sa pundasyon ng bansa.

Ayon sa FFCCCII, hindi sapat na kasuhan lang ang mga tiwaling opisyal dahil reactive lang ito. Dapat daw buwagin ang buong sistema na nagpapalago sa korapsyon sa pamamagitan ng radical transparency, efficiency, at ruthless accountability.

“Hindi ito krimeng walang biktima. Ang katiwalian ay isang matinding pagtataksil—isang pagnanakaw mula sa mahihirap nating kababayan ng serbisyong dapat ay sa kanila,” giit ng mga negosyante.

Dagdag pa nila, pumapatay ng inobasyon ang katiwalian, itinataboy ang mga investor, at tuluyang winawasak ang kinabukasan ng sambayanan. Kaya’t panahon na anila ng sweeping reforms at malayang anti-corruption agencies na may tapang na mag-imbestiga at magparusa “without fear or favor.”

“Tapos na ang oras ng alanganing hakbang. Magkaisa tayo para sa isang sistemang nagbibigay-gantimpala sa integridad at bubuo ng makatarungan at maunlad na Pilipinas,” ani FFCCCII President Victor Lim.

(JESSE KABEL RUIZ)

50

Related posts

Leave a Comment