PANAGUTIN LAHAT MULA BABA HANGGANG TAAS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAGPATIKIM ng lakas ang mga Pilipino at ipinakita nila na kaya nilang magkaisa para ibagsak ang corrupt na opisyales ng gobyerno kasama na ang mga politiko at mga nagsasamantala at nagpapayaman lamang na mga kontraktor.

Pero ang pagkilos na hinahaluan ng ibang agenda tulad ng nangyari sa Mendiola ay talagang nakalulungkot dahil hindi protesta ang ginawa ng mga raliyista (raw) kundi manggulo, manakit at manira.

Maliban sa mga raliyista na nakasuot ng itim at nakatakip ang mukha, ay mapayapa naman ang pagkilos ng mga nasa Luneta at EDSA kaya hindi mo masisisi ang karamihan na sadyang itinanim ang mga nanggulo sa Mendiola.

Kaya kung ang laging sinasabi ng overseas Filipino workers (OFWs) ay “Ang hirap mong mahalin Pilipinas,” masasabi ko ring ang hirap mong mahaling Pinoy dahil imbes na magkaisa tayo sa isang layunin ay may mga Pilipino na nagpapagamit at nagpapasulsol sa mga taong may sariling agenda.

*******

Walang problema sa akin kung mawala sa poder si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil talaga namang malala ang katiwalian sa kanyang administrasyon at tila lalong lumakas ang loob ng mga kawatan sa gobyerno na magsamantala at magnakaw.

Ang lagi nilang sinasabi na kapag napatalsik ang isang Pangulo dahil sa katiwalian sa gobyerno, ay magwawakas na ang pagnanakaw sa gobyerno. Mukhang nagkakamali tayo riyan dahil kahit napaalis ang pangulo kung nandiyan pa ang mga magnanakaw ay patuloy pa rin silang magnanakaw.

Inakala ng lahat na noong mapatalsik ang diktador na ama ni BBM na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ay magwawakas na ang katiwalian sa pamahalaan pero siya lang ang pinalitan at naiwan yung mga corrupt.

Ganyan din ang inakala ng marami noong matapos ang administrasyon nina Gloria Macapagal-Arroyo at Rodrigo Duterte na kapwa inaakusahan ng katiwalian ang kanilang pamumuno pero lalong lumala ang korupsyon pagbaba nila.

Ano ang ibig kong sabihin? Kung talagang nais natin na malinis sa corrupt officials ang ating pamahalaan, lahat ay dapat panagutin, mula sa ordinaryong empleyado hanggang sa opisyales ng mga ahensya ng gobyerno na sangkot sa katiwalian.

Lalong dapat ding panagutin ang mga politiko, mula sa barangay hanggang sa congressman, senador na sangkot sa katiwalian kasama na ang kanilang mga kasabwat na mga kontraktor na nagpayaman lamang.

Hangga’t isang tao lamang ang pinananagot, kung mananatili ang corrupt politicians, government officials ay hindi magtatagumpay ang ating misyon na tapusin na ang pagnanakaw sa gobyerno.

Kaya kailangang lahatin ang mga corrupt, maging sino man ang mga ito, mula pangulo hanggang sa pinakababa at hindi lang sa public works department kundi maging sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno.

48

Related posts

Leave a Comment