BINUTA ni Kabataan party-list Representative Raoul Manuel si Duterte Youth party-list chairman Ronald Cardema sa kanyang banta na isisiwalat umano nito ang kalokohan sa Kongreso at Commission on Elections (Comelec) kapag hindi sila iprinoklama bilang panalo sa sectoral representation sa Mababang Kapulungan hanggang sa susunod na linggo.
“Self-serving. Kung may alam pala sila tungkol sa korapsyon, bakit hindi nila isiniwalat dati pa?” usisa ni Manuel.
Ang Duterte Youth party-list na nakakuha ng tatlong upuan sa katatapos na eleksyon kasama ang grupong Bagong Henerasyong (BH) ay hindi kasama sa iprinoklama ng Comelec dahil may nakabinbing disqualification case umano ang mga ito.
Mariin itong ikinagalit ng dating chairman ng National Youth Commission (NYC) na si Cardema kung saan binalaan niya ang Comelec na kapag hindi sila iprinoklama hanggang sa susunod na linggo ay isisiwalat umano ang mga kalokohan sa Kamara at maging ng mga opisyales ng Komisyon.
“Basta makakapit sila sa pwesto, kaya nilang isantabi ang korapsyon na pumapatay sa kinabukasan ng kabataang Pilipino. Niloloko nila kahit ang mga Duterte supporter sa pekeng mga adbokasiya nila,” punto ni Manuel.
Responsibilidad aniya ni Cardema bilang isang Pilipino na isiwalat ang mga alam niyang mga katiwalian sa gobyerno subalit mistulang nanahimik ito at saka lang magbabanta dahil naiipit siya at ang kanyang grupo.
Binanggit pa ni Manuel na hindi tulad ng Duterte Youth, nilantad umano ng Kabataan party-list ang iskandalo ng confidential at intelligence funds ni Vice President Sara Duterte-Carpio, Maharlika investment scam ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at iba-iba pang anyo ng pork na wala umanong hinihinging kapalit dahil ang loyalty umano ng kanilang grupo ay sa taumbayan at hindi sa sinumang politiko.
“Ito ang pagiging tunay na makabayan. Ito dapat ang ipakita nating example sa kabataan,” ayon sa mambabatas na nakatakdang magtapos ang termino sa Hunyo 30,2025 dahil lagpas 30-anyos na ito.
(BERNARD TAGUINOD)
