ATTY. RODRIGUEZ: ‘MAANOMALYANG’ 2025 BUDGET ‘DI LULUBAYAN

TINIYAK ni Atty. Vic Rodriguez sa publiko na hindi niya lulubayan ang kaso ng ‘maanomalyang’ 2025 budget.

Kasunod ng muling pagpapaliban ng Korte Suprema sa General Appropriations Act (GAA) hearing ay nag-post sa kanyang Facebook page ang dating executive secretary.

Matatandaang kinuwestyon ni Rodriguez, kasama ang iba pang personalidad ang legalidad ng ipinasang 2025 budget ng administrasyong Marcos Jr.

Kabilang sa mga kontrobersya sa naturang budget ang sinasabing isiningit na mga bagay at ang mga blangkong bahagi nito.

Ayon kay Rodriguez, kailangang pagtuunan ng pansin ang kaso ng GAA dahil nakasalalay dito ang patutunguhan ng bansa at kinabukasan ng mahigit 110 milyong Pilipino na nagbayad ng kanilang buwis.

“Muling ipinag-utos ng Korte Suprema na ipagpaliban ang pagdinig sa maanomalyang 2025 national budget sa wala pang katiyakang araw at panahon.

Sa ating mga kababayan, makakaasa kayo na hindi natin lulubayan ang kasong ito at patuloy na ipaglalaban ang interes ng mamamayang Pilipino na bantayan ang kaban ng ating bansa laban sa korapsyon,” ayon sa post ni Rodriguez.

Hinikayat din niya ang mamamayan na maglabas ng saloobin hinggil sa usapin bilang direktang apektado.

“Kailangan namin ng tulong ninyo. Mag-ingay at iparinig ang inyong tinig na kayo ang tunay na agrabyado at interesado sa kasong ito,” aniya pa.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

63

Related posts

Leave a Comment