MAY ikinakasa nang case build-up ang sub task group on economics na pinangungunahan ng Dept. of Agriculture at Dept. of Trade and Industry laban sa mga natuklasang nananamantala sa presyo ng mga ibinebentang karne ng baboy sa mga pamilihan.
Sinabi ni DA Sec. William Dar, sa Laging Handa public briefing na tuloy-tuloy na ang kanilang pagmamanman sa mga trader at wholesalers ng baboy na itinuturong may mga pang-aabuso sa suplay at presyuhan ng meat products.
Ikinasa ng DA at DTI ang hakbang na ito, kasunod ng lumutang na problema sa nakalipas na halos isang buwan, kung saan ang mga biyahero, traders at wholesalers sa National Capital Region (NCR) ang nagdidikta sa napakataas na halaga ng karneng baboy.
Sinabi pa ni Sec. Dar na bago pa sumapit ang 2020 ay maayos ang halaga ng bentahan ng baboy kahit nagkaroon ng pagtaas ngunit pagpasok aniya ng 2021 ay hindi na ito bumaba at lalo pang tumaas kaya’t nagpasya na ang gobyerno na magtakda ng price cap. (CHRISTIAN DALE)
