PAHIHINTULUTAN na ng Department of Transportation (DOTr) ang mga pasahero ng LRT at MRT na magbayad gamit ang debit o credit cards at maging ang mobile wallet platforms gaya ng GCash at PayMaya.
Tugon ito ng Department of Transportation sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na gawing ‘mas convenient’ ang public transport sa mga pasahero ng LRT at MRT.
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Cabinet members at ahensiya na kompletuhin ang mga proyekto sa itinakdang panahon at sa inilaang budget para mapigilan ang pagkaantala sa posibleng maging epekto sa pang-araw -araw na pangangailangan ng mga Pilipino.
Sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na magsisimula silang mag-deploy ng ‘cashless turnstiles’ para sa mga automatic fare collection (AFC) system sa LRT at MRT ngayong Hulyo.
Layon nito na alisin ang pangangailangan na bumili pa o mag-reload ng Beep card, ang contactless, stored-value smart card na ginagamit para sa pagbabayad ng pasahe sa LRT at MRT lines.
Sinabi pa ni Dizon na magagawa na ng mga mananakay na i-tap ang kanilang cellphone o card sa turnstile o mechanical gate, na binubuo ng ‘revolving horizontal arms na nakakabit sa isang vertical post.
“Mga bandang July ito, if I’m not mistaken. I-implement na natin sa MRT at sa ibang mga tren natin. Alam ko pati credit card pwede na. Ita-tap mo na lang ‘yung phone mo. Hindi ka na kailangan bumili ng Beep” card,” ang sinabi ni Dizon.
“Nagtaka nga ako bakit hindi ito kaagad na-implement, ‘yun naman pala kaya iimplement kaagad-agad itong cashless options sa MRT,” aniya pa rin.
Matatandaang ipinag-utos din ni Pangulong Marcos sa DOTr na i-develop ang isang open-loop payment system na isasama sa multiple financial platforms. Ang nasabing sistema ay naglalayon na gayahin ang ‘seamless at inclusive systems’ na ginagamitan ng nangungunang global transit networks.
“Nakikita na naman natin ito sa ibang bansa. So, iyon ang sabi ng ating Pangulo, gawin na rin natin ‘yung mga modern facilities sa ibang bansa dito para sa mga kababayan natin,” diing pahayag ni Dizon.
Samantala, sanib-puwersa naman ang DOTr at transport operators at financial service providers upang tiyakin ang maayos na rollout ng upgraded fare collection systems.
Ang pilot testing at public information campaigns ay nakaplano ngayon hanggang sa humantong sa paglulunsad sa Hulyo.
(CHRISTIAN DALE)
