HINILING ni Senador Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) na muling pag-aralan ang buong proseso ng cashless payment system sa toll road upang maiwasan ang pagkakamali sa kalkulasyon na madadaya ang motorista.
“Hindi dapat magdusa pa ang motorista sa kanilang pagtupad sa regulasyon ng pamahalaan na gumamit ng cashless toll system,” ayon kay Poe, chairperson ng Senate committee on public services.
Ginawang mandatory ng Department Order No. 2020-012 ng DOTr ang contactless transactions sa mga expressway.
“Kailangan masuri ng gobyerno ang buong sistema at tignan ang pagbabayad sa dulo ng proseso,” ayon kay Poe.
Sinabi ni Poe na kahit ibinibigay ng toll operators ang radio frequency identification (RFID) stickers nang libre, tanging gagawin ng DOTr na tignan ang kinakailangang balance sa RFIDs at kung may posibleng sinisingil ang motorista sa paglo-load upang matiyak na hindi mabibigatan ang mamamayan.
“Hayaan natin maraming pera ang matira sa kanilang mga wallet, sa pamamagitan ng hindi paghingi ng di-kinakailangang deposito o mas mataas na maintening balance kaysa sa gagamitin nila.
Marami nang pasanin ang mamamayan,” aniya.
Inihalimbawa ng senador ang Cavitex na kailangan mayroon ang motorista ng pinakamababang balance na P100 sa kanilang RFID accounts at hindi pinapayagan ng sistema ang debiting mula sa account kahit mas maliit ang toll fee na kanilang babayaran.
Kung pumasok ang isang motorista sa Cavitex mula sa Roxas Boulevard at lumabas sa Zapote exit na may P99 balanse, kailangan pa nitong mag-load sa kanyang account kahit aabot lamang sa P25 ang halaga ng toll fee.
“Anomang karagdagan o hindi kailangang gastusin ay hindi na katanggap-tanggap sa mamamayan. Nawalan na sila ng trabaho at kita na may lomolobong utang na kanilang binubunong bayaran,” paalala ni Poe.
“Kaya dapat tiyakin ng pamahalaan na di ipapapasan sa motorista ang hindi kinakailangang halaga sa pagmementeni ng balance,” giit ni Poe.
Kasabay nito, iginiit ng senador na hindi dapat kumplikado at masalimuot ang pagkuha ng RFIDs. (ESTONG REYES)
