PINAG-AARALAN ng pamahalaan ang panukalang price freeze sa petroleum products sa gitna ng pangamba sa epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, kailangang balansehin ang panukala upang hindi maapektuhan ang anomang sektor.
“Hindi po natin sinasabing hindi magpa-price freeze. Ang sinasabi po natin, ito ay aaralin,” ani Castro.
Ang pahayag ay kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency sa halip na state of emergency, kaugnay ng nagpapatuloy na tensyon sa Gulf region.
Binigyang-diin ni Castro na isinasaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan ng mga consumer at ang kakayahang magpatuloy ng oil industry.
“Ito po ay babalansehin upang hindi lamang isang sektor ang maaapektuhan,” aniya.
Dagdag pa niya, mahalaga ang deklarasyon ng energy emergency upang matugunan ang pagkagambala sa global oil supply na nakaapekto sa availability at presyo ng fuel sa bansa.
Tiniyak din ng opisyal na mananatiling naaayon sa batas ang anomang hakbang ng pamahalaan, kabilang ang paggamit ng pondo para sa mga kinakailangang interbensyon.
(CHRISTIAN DALE)
86 