(NI BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG nakiusap si House Speaker Alan Peter Cayetano sa sa mga kritiko ng mga pasilidad na itinayo para sa 30th Southeast Asian Games na tapusin muna ang palaro bago siya tirahin.
Ang SEA Games na iho-host ng Pilipinas ay magsisimula sa Nobyembre 30 at matatapos sa Disyembre 12 subalit bago lumarga ang palaro ay kinuwestiyon ng oposisyon ang P50 million halaga ng Cauldron at ang pag-utang umano ng P11 bilyon sa Malaysia para maitayo ang New Clark City sa Tarlac.
“May mawawala ba sa atin na we wait for December 12? ‘Pagka nakauwi na ‘yung iba at nasuportahan na natin ang ating mga atleta?,” tanong ni ni Cayetano sa kanilang mga kritiko.
Sinabi ng House leader na kailangang isipin muna ng lahat ang kapakanan ng mga atleta dahil imbes na magsanay nang magsanay ang mga ito ay napopokus ang kanilang atensyon kung mayroon ba talaga aniyang anomalya o wala.
“I mean, ang atleta, tao rin, nanonood din ng TV, nakikinig din sa radyo, nagbabasa sa Facebook, sa online, nagbabasa ng dyaryo, ng tabloid. Why dont we give them a peace of mind now and then afterwards, we’re here. We’re ready to answer, we’re ready to face anyone,” ani Cayetano.
Hindi kinumpirma at hindi rin itinanggi ni Cayetano na inutang lamang sa Malaysia ang P11 bilyon para maitayo ang New Clark City na magiging bahay ng mga atleta pagkatapos ng Sea Games.
Kailangan na kailangan aniya ng mga atleta ang nasabing lugar para sa kanilang pagsasanay para sa mga susunod na palaro sa internasyunal na kumpetisyon at world class aniya ang pagkakagawa nito.
144