CCP, MULING MAGBUBUKAS SA LIMITADONG SCREENINGS

Makalipas ang 20 buwan matapos isara ang mga teatro at iba pang lugar, nakahanda na muli ngayon ang Cultural Center of the Philippines sa pagbubukas ng mga ito para maging bahagi ng tinatawag na “better normal” para sa mga manonood.

Bilang inisyal na pagbubukas, matutunghayan ang “WAGI: A Celebration of Filipino World-Class Excellence,” na may special screenings sa ganap na ala-7:00 ng gabi, sa Tanghalang Nicanor Abelardo (Main Theater).

Sinimulan noong Nobyembre 5, napanood sa CCP ang “A Thousand Cuts,” isang social documentary na obra ni Ramona Diaz, bilang selebrasyon sa unang Nobel laureate mula sa bansa. Nasundan ito ng isang talkback kasama ang film director at piling media practitioners.

Noong Oktubre, ang journalist na si Maria Ressa, na siyang central figure sa dokumentaryo ni Diaz, ay tumanggap ng Nobel Peace Prize, gayundin ang Russian journalist na si Dmitry Muratov, para sa kanyang commitment at efforts para suportahan ang press freedom at demokrasya.

Mula sa parehong direktor sa likod ng “Imelda” (2014) at “Inang Bayan,” tinitingnan ng pelikula ang pandaigdigang pagkasira ng demokrasya, na pinalakas ng disinformation campaigns sa social media. Nakatuon ang dokumentaryo ng 2020 Sundance Film Festival na ito sa labanan para sa katotohanan at demokrasya.

Ang pride at excellence ng Filipino sa sports ay binibigyang pagkilala sa espesyal na screening ng GMA 7 documentary na “Team Pilipinas” sa Nobyembre 26. Obra ng broadcast journalist na si Atom Araullo, pinarangalan ng docu film ang mga atleta na kumatawan sa Pilipinas at humakot ng mga medalya sa 2020 Tokyo Olympics.

Sa pagbibigay-kulay pa sa best Olympic performance ng bansa simula noong 1924, ibang husay ang ipinamalas kung kaya’t umangat nang husto sina weightlifter Hidilyn Diaz na unang Pinoy na nag-uwi ng Olympic (silver) medal, boxer Nesthy Petecio na unang Pinay na nakasungkit ng silver medal, boxer Carlo Paalam na nanalo rin ng silver sa men’s flyweight division, at boxer Eumir Marcial na nagkamit ng bronze medal sa men’s middleweight division.

Sa Disyembe 9, ipagdiwang ang world-class acting talent sa Philippine premiere ng “On The Job: The Missing 8,” ang pelikulang nagdala ng Coppa Volpi (Volpi Cup) para maging Best Actor si John Arcilla.

Sa katatapos na 78th Venice Film Festival, naiuwi ni Arcilla ang naturang pagkilala dahil sa ipinakita nitong pagganap bilang journalist sa pag-iimbestiga sa misteryosong pagkawala ng kanyang mga kasamahan, at kung paano ito nauugnay sa isang bilanggo na pansamantalang pinalaya upang magsagawa ng assassinations (ginampanan ni Dennis Trillo). Ang award-winning na pelikula ay sequel sa 2013 film na may parehong pamagat.

Idinirehe ni Erik Matti, ang special screening ay co-presented ng Embassy of Italy sa Manila.  Magkakaroon din ng isang talkback matapos ang screening.

Noong Marso 2020, isinara ng CCP ang kanilang venues dahil COVID-19 pandemic.  Kasunod ng mga bagong pagpapasya sa mga lockdown na ipinataw ng gobyerno, magbubukas ang CCP na may 30 porsiyentong kapasidad ng manonood.

Tanging mga fully vaccinated na manonood lamang ang papayagan makapasok sa teatro. Kailangang mapakita nila ang kanilang vaccination card/ID sa entrance, punan ang isang health declaration form o ang Stay Safe app, at ipakita ang kanilang tickets/scannable QR Codes sa mobile.  Magkakaroon ng routine temperature checks ang mga guard bago makapasok ang mga manonood.

Sa layong gawing ligtas ang panonood sa loob ng mga sinehan hangga’t maaari, ang CCP ay naglulunsad ng mga hakbang sa kaligtasan sa lugar nito bilang paghahanda sa muling pagbubukas. Bukod sa karaniwang mga protocol sa kaligtasan tulad ng pagsusuot ng mask/face shield sa loob ng venue at social distancing, ang CCP ay naglagay ng portable air hepa filters at automatic alcohol dispenser sa paligid ng gusali, naglalagay ng social distancing marker, nag-aangkop ng contactless ticketing, at binabawasan ang mga chokepoints. Ang mga pagpasok at paglabas ay magiging limitado at makokontrol upang mabawasan ang panganib ng paghahatid ng virus.

Para sa iba pang impormasyon, magsadya sa CCP website (www.culturalcenter.gov.ph). Sundan ang official CCP social media accounts sa Facebook, Twitter at Instagram para sa updates.

441

Related posts

Leave a Comment