CEBU REP. DUKE FRASCO KWALIPIKADO MAGING HOUSE SPEAKER NG 20TH CONGRESS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MARAMI na ang nag-aabang sa pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo.

Isa sa mga inaantabayanan syempre ay kung sino ang susunod na House Speaker bagaman, maaga pa ay nagdeklara na ng suporta ang ilan sa pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez.

Mukhang nais nilang palabasin na hawak pa rin ni Romualdez ang mayorya sa Kamara.

Pero sa pagtatapos ng 19th Congress ay lumutang ang malawakang pagkadismaya sa pamumuno ni Romualdez. Nangangahulugan daw ito na mayroon nang lamat sa pamumuno ng pinsan ni Pangulong Bongbong Marcos sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Kaya naman lumutang ang ilang pangalan ng mga posibleng pumalit kay Romualdez bilang House Speaker.

Isa na riyan itong si House Deputy Speaker at Cebu Rep. Duke Frasco na matino, magaling at may malinis na track record.

Kung reporma at maayos na legasiya, si Frasco ang pwedeng maging katuwang ni Pangulong Bongbong Marcos sa nalalabi nitong 3 taong termino.

Umugong ang pangalan ni Frasco nang hindi nito pirmahan ang manifesto of support para kay Romualdez.

Mukhang malalim ang pinanggagalingan ng hindi pagsuporta ni Frasco sa kasalukuyang House Speaker.

Sa unang tingin, lalabas lamang na ang ginawa ni Frasco ay pag-alis sa super majority subalit pagpapakita ito ng katapangan sa harap na rin ng marami nang “silent clamor” na mapalitan si Romualdez.

Habang maraming mambabatas ang sunod-sunuran sa House Speaker, tumindig si Frasco at inilabas ang pagiging “independent”.

Pero, ano nga ba ang kakayahan nitong si Frasco para banggain ang isang Romualdez? Tingnan natin ang kanyang track record; siya ay 3-term mayor ng Liloan at ikatlong termino na bilang kongresista ng Cebu, nanalo siya sa katatapos na eleksyon sa kabila ng pangangampanya ng mga Duterte sa kanyang kalaban.

Naiangat ni Frasco ang Liloan, Cebu at sa kanyang effective leadership ay kinilala siya bilang isa sa Outstanding Young Men (TOYM) in public service.

Nakatutok ang mga programa ni Frasco sa edukasyon, infrastructure, healthcare at land reform. Sa pamamagitan ng House Bill 6900 na inakda niya ay naipatupad ang administrative reorganization ng Camotes Islands.

Ibang-iba ang estilo ng pamamahala ni Frasco, kung pagbabago, stability at genuine service ang ating hangad ay maganda kung siya ang mahirang na House Speaker.

Taglay ni Frasco ang local roots, ang national experience, ang proven track record at kakayahan na pag-isahin ang magkakaibang political blocs, hindi sa pamamagitan ng panggigipit kundi gamit ang consensus at competence— na siyang nararapat para sa isang House Speaker.

Bagamat wala pang opisyal na deklarasyon ukol sa usapin ng House Speaker ay kitang-kita nang may kakayahan si Frasco na tapatan si Romualdez.

Sa panahon na maraming ipinupukol na isyu kay Romualdez, pangunahin na ang usapin ng malaking budget sa ayuda na ipinamumudmod sa kakamping kongresista ay kailangan ng bansa ang matatag at maprinsipyong abilidad ni Frasco.

Marami na ang dismayado sa sobrang pamumulitika sa loob ng Kamara na nagdudulot ng pagkakawatak-watak. Panahon na muling magkaisa para sa ikabubuti ng bayan.

5

Related posts

Leave a Comment