Censorship paiimbestigahan sa Kongreso DEFENSOR PUMALAG SA FACEBOOK

MAGHAHAIN umano ng resolusyon si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor para imbestigahan ang censorship na ginagawa ng Facebook sa bansa lalo na sa mga grupong gustong tumulong para maresolba ang problema sa COVID-19.

Aksyon ito ng mambabatas matapos i-block ng nasabing social media platform ang dalawa niyang account.

Duda ni Defensor, ang mga pagtalakay niya na may kaugnayan sa COVID-19 ang dahilan ng pag-block sa kanyang FB accounts.

“Facebook just blocked me for giving my analysis on the Covid update report posted in the internet,” ani Defensor na ang tinutukoy ay ang pagkukumpara nito sa Utter Pradesh, India na gumagamit ng Ivermectin sa mga bansa tulad ng United States (US), United Kingdom (UK) at Israel sa COVID-19 infection at vaccination.

Ayon sa mambabatas, umaabot lamang sa 41 kaso ng COVID-19 kada linggo ang naitatala sa Uttar Pradesh, isang rehiyon sa India kumpara sa 79,763 sa Amerika; 2,164 sa Israel at 26,108 naman sa UK.

Ito ay sa kabila ng katotohanan na umaabot na sa 50% ang nabakunahan sa Amerika, 60% sa Israel, 57% sa UK habang sa Uttar Pradesh ay 7.4% pa lamang ang kanilang vaccination rate. Naniniwala si Defensor na dahil ito sa paggamit ng nasabing rehiyon sa India ng human grade Ivermectin.

“Ang tanong bakit ganun? Ang Uttar Pradesh ay isang mahirap na rehiyon sa India na nauna at patuloy na umiinom ng Ivermectin. Masdan na kahit mababa ang vaccination nila ay mababa ang nagkakasakit sa Covid,” ani Defensor sa kanyang “Anakalusugan Partylist Cong Mike Defensor” at personal page account.

Matapos ito ay blinock ng FB ang kanyang account dahil nilabag umano nito ang polisiya kaugnay ng kanilang nai-post na analysis at pagtatanong kung bakit hindi nakikita ng Food and Drugs Administration (FDA) at Department of Health (DOH) ang datos na kanyang tinukoy.

“I think it’s about time that we investigate the policies on censorship of Facebook. There’s a difference between fake news and expressing your opinion based on facts,” ayon sa mambabatas.

Nagbubulag-bulagan

Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Defensor dahil sa patuloy umanong pagbubulag-bulagan ng FDA at DOH sa positibong epekto ng Ivermectin na pangontra sa COVID-19.

“Bilang isang Pilipino na nagmamahal sa kanyang pamilya at bayan, ay patuloy kong tinitingnan ang sitwasyon sa ng iba’t ibang bansa at kung papaano ito makakatulong sa ating bayan at ating pakikipaglaban sa pandemya dulot ng COVID-19,” ani Defensor.

Ayon sa mambabatas, hindi nakikita ng DOH at FDA ang realidad base aniya sa datos kung papaano nakatutulong ang Ivermectin para makontrol ang COVID-19 lalo na’t nagbabanta ang Delta variant sa bansa na naging dahilan para i-lockdown muli ang Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20. (BERNARD TAGUINOD)

110

Related posts

Leave a Comment