Kung hindi sasabayan ng ayuda at bakuna ECQ PAHIRAP LANG SA PINOY

(BERNARD TAGUINOD)

“SANA yung ECQ at lockdown na idineklara nila ng dalawang linggo ay ternuhan ng sapat na ayuda at bakuna!”

Ito ang panalangin at panawagan ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat kaugnay ng ipatutupad na dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) o lockdown mula Agosto 6 hanggang 20.

Ayon sa mambabatas, ang dalawang linggong lockdown ay mangangahulugan ng pagkagutom ng mga tao dahil mawawalan na naman ang mga ito ng hanapbuhay.

Lalo pang lalala ang sitwasyon ng mga ordinaryong mamamayan dahil sinasabayan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain ang ipatutupad na ECQ sa Metro Manila at ibang lugar sa bansa na may mataas na COVID-19 infections.

Dahil dito, kailangan aniya ng mga tao ang ayuda upang may pambili ang mga ito ng pagkain ng kanilang pamilya dahil kung magugutom ang mga ito at lalo lang silang magkakasakit.

Kailangan din aniyang sabayan ang ECQ ng bakuna dahil wala umanong silbi ang lockdown na ito kung ikukulong lang ang mga tao sa kanilang bahay subalit hindi nabibigyan ng proteksyon.

“Hangga’t walang siyentipiko at konkretong solusyon, mananatiling pahirap ang lockdown sa mga mamamayan dahil sa kawalan ng kabuhayan, kakulangan sa ayuda at sapat na bakuna,” ayon pa sa mambabatas.

Itinuturing din nito na “huwad na solusyon” ang lockdown dahil dalawang taon na umano itong ginagawa ng gobyerno subalit nanganganib pa rin ang mga tao sa pandemya.

“Nasa pangalawang taon na tayong napasailalim sa kung ano-anong klaseng community quarantine at lockdown. Paikot-ikot lang tayo mula ECQ, MECQ, GCQ, GCQ with heightened restrictions at mag-ECQ muli. Ito ay huwad na solusyon at pahirap na tugon sa pagsugpo ng pandemya,” ani Cullamat.

“Ang order ng mamamayan ay sapat na ayuda at bakuna, bakit bibigyan tayo ng ECQ at lockdown?,” tanong pa nito.

Hindi matitigil sa lockdown

Hindi matitigil sa lockdown ang kinatatakutang Delta variant kung hindi sa seryosong mass testing, contract tracing at higit sa lahat ay mabilisan at maraming pagbabakuna.

Ito ang tinuran ni House committee on ways and means chairman Joey Salceda kaugnay ng nakatakdang pagsasailalim sa ECQ sa Metro Manilat at iba pang lugar sa bansa.

“While lockdowns can be tactical, our strategy with the Delta variant will involve mass testing, faster turnaround of test results, and faster vaccination,” ayon sa mambabatas.

Ayon pa kay Salceda, malalaman sa loob ng 36 oras kung may Delta variant ang isang tao matapos itong ma-expose at mabilis itong maipapasa sa mga tao kaya kailangan ang mabilisang testing.

“If we can get testing results out earlier, we can also prevent superspreaders earlier,” dagdag pa nito.

Gayunpaman, ang problema aniya ay maraming level sa gobyerno ang pagdadaanan ng resulta ng swab test bago ito makarating sa local government units (LGUs) kaya hindi agad nagkakaroon ng contact tracing.

Kailangan din aniyang paghandaan ng gobyerno ang mas maraming swab test sa mga tinamaan ng Delta variant dahil walang garantiya na ligtas na ang isang tao sa virus na ito, 14 araw pagkatapos itong makarekober. (BERNARD TAGUINOD)

132

Related posts

Leave a Comment