HINDI kabilang sa listahan ng prayoridad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang usapin sa Charter Change (Chacha).
Tugon ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa naging pahayag ni VP Leni Robredo na ang atupagin sana ng pamahalaan ay kung paano makabibili ng mas marami pang testing kits at paano matutulungan ang mga ospital.
Ani Sec. Roque, hindi lumulutang sa radar ng Chief Executive ang Cha-cha.
Sa halip aniya ay nakatutok ang Pangulo kung paano tutugunan ang problemang kinakaharap ng bansa sa COVID-19 at wala sa isyung ibinabato ng Bise Presidente.
Nauna rito ay nagpahayag ng suporta ang League of Municipalities sa anila’y agenda ng administrasyon na maamyendahan ang 1987 Constitution.
SOLON: WEH, DI NGA?
Ito naman ang sagot ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa pahayag ni Roque na hindi prayoridad ng Palasyo ng Malacanang ang Charter Change.
Ayon kay Zarate, mahirap pagkatiwalaan ang pahayag ni Roque dahil mismong ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang nagsusulong na baguhin ang 1987 Constitution.
“I will not be surprised if Palace spokesman Harry Roque will declare later that the president and Malacañang is once again neutral kuno! Cha-cha since day one of the Duterte administration is already a key component of its governance playbook,” dagdag pa ng solon.
Nilinaw ng mambabatas na simula pa lamang ng administrasyong ito ay tinatarget na nilang amyendahan ang Saligang Batas kaya malabo umano nila itong iabandona at sa katunayan ay isinisingit nila ito sa gitna ng pandemya sa COVID-19 na kinakaharap ngayon ng bansa.
Maliban dito, marami na umanong pahayag si Roque taliwas sa ikinikilos ng kanyang mga amo kaya kailangan ipagpatuloy ng taumbayan ang pagbabantay.
“Not to mention, of course, the possible term extension of politicians and the lording even more of dynastic politics and governance,” ayon pa kay Zarate.
Samantala, sinabi naman ni House committee on constitutional amendment and revision of laws chairman Rufus Rodriguez na magpapatawag ito ng pagdinig ukol sa isinusulong na Cha-cha ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa pangunguna ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
