CHAVIT: MARCOS DAPAT NANG MAGBITIW

TAHASANG nanawagan si dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson na magbitiw na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maiwasan umano ang posibilidad ng kaguluhan gaya ng mga nagaganap ngayon sa Nepal at Indonesia kung saan sinugod ng mga nagpo-protesta ang tahanan ng mga politiko.

Sa isang press conference sa Club Filipino sa San Juan City, sinabi ni Singson na dapat unahin ang imbestigasyon sa mga flood control projects sa Region 1, partikular sa Ilocos Norte, na mismong lalawigan ng Pangulo. Ayon sa kanya, imposibleng hindi alam ni Marcos ang mga proyekto roon, na kinokontrata umano ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Isa-isa pang binanggit ni Singson ang mga flood control projects sa Ilocos Norte at kung aling kumpanya ng mga Discaya ang sangkot dito. Aniya, walang patutunguhan ang imbestigasyon sa Kongreso kaya mas mainam na magprotesta na lang ang publiko sa mapayapang paraan.

Hinimok din ni Singson ang mga estudyante mula high school hanggang kolehiyo na manguna sa mga protesta sa pamamagitan ng hindi pagpasok sa klase hangga’t hindi bumababa sa puwesto ang mga politiko. Para sa kanya, dapat hayaan ang kabataan na manguna dahil para sa kanilang kinabukasan ang laban.

Dagdag pa niya, kapag bumaba na ang lahat ng politiko, dapat pamunuan muna ang bansa ng mga religious group, pulis at militar, nang walang kahit anong partisipasyon ng mga politiko.

Pinuna rin ni Singson si Pangulong Marcos at tinawag itong sinungaling, kaugnay ng pahayag ng Pangulo na hindi siya pabor sa impeachment kay Vice President Sara Duterte. Aniya, kabaligtaran ang nangyari dahil mismong si House Majority Leader Sandro Marcos, anak ng Pangulo, ang isa sa mga nangunang pumirma sa impeachment complaint.

“Sinungaling ang ating presidente. Isang utos lang niya sa mga kaalyado niyang congressman, dahil majority sila, siguradong susunod na iyon sa kaniya,” ani Singson.

Dumalo rin sa press conference sina dating Defense Secretary Delfin Lorenzana, dating National Security Adviser Hermogenes Esperon, at si Ka Eric Celiz, kilalang supporter ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

(NEP CASTILLO)

51

Related posts

Leave a Comment