CAVITE – Buking ang nakatagong pinatuyong dahon ng marijuana ng isang 24-anyos na chef matapos manigarilyo sa isang “no-smoking” area sa Bacoor City noong Sabado ng gabi.
Kasong paglabag sa RA 8749 Section 24 (No Smoking Area) at Section 11 ng RA 9165 ang kinahaharap ng suspek na si John Julian Eslabo.
Ayon sa ulat ni Pat. Marco Romero Cupo ng Bacoor City Police, nagroroving ang guwardiya sa Paseo De Bacoor sa Molino Blvd., Brgy. Molino 3, Bacoor City dakong alas-9:40 ng gabi nang napuna nito ang suspek na naninigarilyo sa ipinagbabawal na lugar dahilan upang sitahin ito.
Pero napansin ng guwardiya ang hawak ng suspek na isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana dahilan upang arestuhin ito at i-turn over sa pulisya kung saan nakumpiska ang nasabing ilegal na droga. (SIGFRED ADSUARA)
261 