BIGLANG natahimik ang China matapos mabuking ang umano’y multimillion contract sa isang marketing firm sa Makati para magtatag ng troll farm at kumuha ng “keyboard warriors” noong 2023.
Ayon kay Commodor Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS), hindi ito gaya ng dati na mabilis maglabas ng kanilang narratives ang embahada ng China sa tuwing may lumalabas na isyu laban sa kanila.
Una nang nanawagan si National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya sa Chinese Embassy na magbigay ng buong paliwanag sa umano’y panghihimasok ng China sa eleksyon sa Mayo 2025.
Ang panawagan ay kasunod ng isang Senate hearing kung saan ibinunyag ang isang kontrata sa pagitan ng Chinese Embassy at Infinitus Marketing Solutions Inc., para umano sa pagpapakalat ng pro-China ng mga fake news sa social media.
Ayon kay Malaya, may ebidensya gaya ng tseke at kontrata na nagpapakitang posibleng may layunin ang China na impluwensyahan ang diskursong politikal sa bansa, at suportahan ang ilang kandidato.
Sinagot lang ng China ang mga paratang na sinusunod nila ang prinsipyo ng “non-interference” sa internal affairs ng ibang bansa.
Pinasalamatan naman ni Tarriela ang Senado sa pagbubunyag nito na tinawag niyang national security issue.
Malaki ang umano ang posibilidad na ginagawa ng Chinese Embassy ang pagpapakalat ng fake news at misinformation upang mahati ang mga Pilipino sa mga isyu gaya ng espionage, drones at partikular na sa West Philippine Sea.
(JESSE KABEL RUIZ)
