CHINESE NATIONALS ARESTADO SA ZAMBOANGA AT KALINGA

ARESTADO ang ilang Chinese national sa magkakahiwalay na operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa Zamboanga City at Tabuk City, Kalinga dahil sa paglabag sa immigration laws ng bansa.

Sa Zamboanga City, dinampot ng BI intelligence operatives si Rong Tian Shi, 40, sa isang cellphone at accessories shop sa Maria Clara Street, Barangay Zone 3 noong Pebrero 2. Naaktuhan umano si Shi na aktibong nagpapatakbo ng negosyo at nakikipagtransaksyon sa mga kostumer nang hulihin.

Ayon sa BI, may iregularidad sa rekord ni Shi dahil ang working visa nito ay inihain ng isang kompanyang nakabase sa Quezon City, na labag sa umiiral na immigration rules.

Sa parehong araw sa Tabuk City, Kalinga, inaresto rin si Huang Xilai, 57, sa loob ng isang komersiyal na establisimyento sa Barangay Dagupan Centro. Bago arestuhin, naobserbahan umano si Huang na namamahala ng operasyon ng tindahan, nagbibigay ng utos sa mga Pilipinong empleyado at nagsisilbing kahera.

Lumabas sa rekord na overstaying si Huang at sangkot sa gainful employment nang walang kaukulang visa o permit. Nabigo rin umano siyang magpakita ng valid travel documents at digital copy lamang ng pasaporte ang naipresenta.

Sa hiwalay na operasyon sa Barangay Bulanao, Tabuk City, nadakip din sina Huang Huifang, 51; Huang Menggui, 24; at Huang Mengjiao, 28 dahil sa kaparehong paglabag, kabilang ang overstaying, ilegal na pagtatrabaho at pagiging undocumented.

Dinala sa Maynila ang mga inarestong dayuhan para sa booking, medical examination, biometrics processing at paghahanda sa posibleng deportation proceedings.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patunay ang mga operasyon sa patuloy na kampanya ng ahensiya laban sa ilegal na pagtatrabaho ng mga dayuhan sa bansa.

(JOCELYN DOMENDEN)

4

Related posts

Leave a Comment