(NI DANG SAMSON-GARCIA)
ISUSULONG ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na mabusisi ng Senado ang isyu ng paulit-ulit na pagpasok ng mga barkong pandigma ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Lacson, maghahain siya ng resolusyon anumang araw upang makapagsagawa na ng ‘inquiry in aid or legislation’ ang Senado hinggil sa isyu.
Sinabi ni Lacson na dapat maging malinaw ang mga polisiya hinggil sa pagpasok ng mga barkong ito sa teritoryo ng Pilipinas.
“Issue talaga na dapat tingnan ng Senado para sa policy. Policy issue kasi yan. Ano ang policy ng pamahalaan sa incursions? Although maliwanag sa batas yan na bawal,” saad ni Lacson.
Samantala, hinimok ni Senador Koko Pimentel ang administrasyon na huwag magsasawa sa paghahain ng mga diplomatic protest laban sa China.
Kung hindi pa aniya sapat ang mga protesta, dapat mas bigyan na ng diin ang aksiyon ng gobyerno upang mapilitang sumagot ang Chinese authorities.
“We will use the diplomatic techniques or methods, like diplomatic protests. Hindi tayo dapat magsawa then we have to pressure them to answer, pag hindi sumagot, the SFA (Secretary of Foreign Affairs) summon the ambassador for a face to face meeting,” saad ni Pimentel.
188